Inaatasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga “online seller” at iba pang negosyong gumagamit ng digital o electronic platform na magparehistro. Dapat din nilang ideklara ang kanilang nakaraang mga transaksyon.
Sa Revenue Memorandum Circular No. 60-2020, na may petsang June 1, inihayag ng BIR na, “all persons doing business and earning income in any manner or form, specifically those who are into digital transactions through the use of any electronic platforms and media, and other digital means, to ensure that their businesses are registered pursuant to the provisions of Section 236 of the Tax Code, as amended, and that they are tax compliant.”
Bukod sa kanilang mga kasosyo, dapat ding ideklara ang paraan ng kanilang pagbabayad, pagdedeliber ng produkto, internet service providers, at iba pang facilitator.
Dahil sa lockdown bunga ng COVID-19 pandemic at nasa bahay lang ang mga tao, tumaas ang mga transaksyon via online sa pagbili ng iba't ibang produkto tulad ng pagkain.
Ayon sa BIR, ang mga magpaparehistro bago o pagsapit ng July 31, 2020, “shall not be imposed with penalty for late registration.”
Ang mga idedeklarang "past transactions" pagsapit o bago ang July 31 ay papatawan ng kaukulang buwis pero walang penalty.
Ang mga mabibigong tumugon ay papatawan ng kaukulang "penalty," na naayon sa batas at umiiral na revenue rules and regulations.
Ang mga bagong rehistro, kabilang ang mga existing registrants ay pinapayuhan din na gawin ang mga sumusunod:
*Issuance of registered Sales Invoice or Official Receipt for every sale of goods or services to clients, customers, or buyers
*Keeping of registered Books of Accounts and other accounting records of business transactions
*Withholding of taxes, as applicable
*Filing of required tax returns
*Payments of correct taxes due on time
Una rito, inihayag ng Department of Finance (DOF) sa pamamagitan ng sangay na ahensiya na BIR, na pinag-aaralan nila kung papaano papatawan ng buwis ang digital activities tulad ng online sales at streaming services.
Ngayong linggo, naghain ng panukalang batas si House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda, para patawan ng buwis ang digital services.
Sinabi naman ni Senador Ramon Bong Revilla Jr., na maghahain din siya ng katulad na panukala sa Senado.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Imee Marcos na hindi napapanahon ang naturang hakbangin sa panahon ngayon ng COVID-19 pandemic.
Kamakailan lang, inihayag ng Department of Trade Industry, na dapat inilalahad at hindi isinisikreto ng mga online seller ang presyo ng kanilang mga produkto sa pamamagitan ng pagpapadala ng private messages sa mga interesadong bumili.--FRJ,GMA News