Dahil sa hirap ng buhay sa probinsiya, naisipan noon ni Mark Joseph Cunanan o "Macki Moto" na makipagsapalaran sa Maynila. Pero ang pagtatrabaho sa bukid na kaniyang tinalikuran noon, ito rin ang naging daan para maging vlogger siya at magkaroon ng magandang pagkakakitaan ngayon.
Makaraang manirahan sa Maynila ng ilang taon, bumalik sa probinsiya si Macki at nagsimulang i-vlog ang kaniyang buhay-probinsiya. Kabilang dito ang pamimingwit at pangingisda, pagtatabas ng tubo, pagluluto, pag-ihaw at pamamahinga sa bukid.
Pero bago nito, minsan na ring iniwan ni Macki ang probinsiya at nagtrabaho sa Maynila sa isang fastfood restaurant. Ngunit hindi siya sinuwerteng umasenso.
Pagkabalik sa probinsiya, nakapanood siya ng vlog na nagbigay sa kaniya ng ideya na i-video rin ang mga pinagkakaabalahan niya.
Binidyuhan niya ang kaniyang pagpitas ng mga sili at kamatis, pagbubungkal ng mani at panghuhuli ng suso at isda sa ilog.
Pero naging kapalit din nito ang kaniyang pagkakaospital dahil sa over-fatigue. Namroblema pa si Mark Joseph sa kanilang ipambabayad.
Isang araw, laking gulat ni Mark Joseph na ang itinanim niyang kamatis, naibenta at kumita ng P70,000 sa loob ng 45 araw.
Kalaunan, unti unti na ring dumami ang views ni Macki Moto. Sa una niyang suweldo, nakatanggap siya ng halos P50,000.
Matapos naman ang halos pitong taon na long-distance relationship nila ng kaniyang misis na naiwan niya sa Maynila, muli na rin silang nagkasama sa probinsiya, kasama ng kanilang mga anak.
Tunghayan sa video ang naging pagtutok ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa buhay ng promdi vlogger na si Macki. --FRJ, GMA News