Inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na magsisimula ang schoolyear 2020-2021 sa Agosto 24.
"Ang napili nating school opening date ay August 24," saad ni Briones sa Laging Handa public briefing nitong Martes.
Pero dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ) sa iba't ibang bahagi ng bansa dahil sa COVID-19, maaari umanong simulan ang klase sa pamamagitan ng pisikal na pagpasok ng mga mag-aaral o via online
"Una sa lahat, ang pinakamalaking konsiderasyon natin dito ay to protect the health and safety and well-being of learners. 'Yun ang pinakaunang priority natin," ayon kay Briones.
Idinagdag ng kalihim na magtatapos ang klase sa April 30, 2021.
Sa MalacaƱang, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na iginagalang ng pamahalaan ang desisyon ng DepEd sa pagbubukas ng klase.
"We respect the decision of DepEd to open some of the schools on the 24th [of August]. Wala na pong ibang desisyon ang IATF [Inter-Agency Task Force] diyan," sabi ni Roque.
Ayon kay Briones, magiging malaking pagsubok sa Department of Education (DepEd) ang bagong sistema ng pagtuturo para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Kabilang sa bagong sistema ang Flexible Learning Options (FLOs).
"May mga schools na handa na daw sila na magbukas ng online, public o private, ng kanilang school lessons. Marami ring through the cellphone. Nag-survey kami, puwede ding sa telebisyon at saka sa radyo," ayon kay Briones.
"Napansin namin na 'yung pinakamalaki para sa mga malalayong lugar ay sa radyo," patuloy niya.
Kanseladoo na rin umano ang ilang school-related activities na dinadaluhan ng marami tulad ng Palarong Pambansa, talent contests at Brigada Eskwela.
Kanselado rin ang mga science fair, trade fairs, campus journalism, at job fairs, lalo na sa mga lugar na umiiral ang ECQ.
Inatasan naman ni Briones ang mga guro na dumalo-- physically or virtually-- mula June 1 hanggang June 30, para sumailalim sa capacity building para sa bagong lessons, kabilang na ang "DepEd Commons."
Samantala, maghahain naman ng panukalang batas si Senate President Vicente Sotto III para bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na magtakda ng pagbubukas ng klase.--FRJ, GMA News