Ilang hayop na ang napabalitang nagpositibo sa COVID-19 tulad ng aso at pusa. Pero ang pangulo ng Tanzania, nagduda sa nakuha nilang imported test kits dahil bukod daw sa kambing, pati ang papaya, nagpositibo sa virus.
Sa ulat ng Reuters, hinihinala ni Tanzanian President John Magufuli na palpak ang nakuha nilang test kits dahil sa resulta ng ginawang pagsusuri sa kambing, tupa at papaya.
Sa isang pagtitipon sa Chato, sinabi ni Magufuli na imported ang nakuha nilang COVID-19 testing kits pero hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye tulad kung saan bansa ito nagmula.
Iniutos niya security forces ng bansa na suriin ang kalidad ng test kits. Kumuha sila ng "sample" ng mga susuriin pero na hindi galing sa tao, kung hindi sa kambing, tupa at pawpaw o papaya, at nilagyan nila ng pangalan ng tao at edad.
Ipinadala umano ang naturang mga sample sa laboratoryo para suriin at hindi alam ng lab technicians ang pinagkunan ng mga ito.
Nang lumabas umano ang resulta, positibo sa virus ang pawpaw at kambing.
Dahil dito, hinala ni Magufuli, baka may mga kababayan siyang nagpositibo pero negatibo naman talaga. Hindi raw talaga mapagkakatiwalaan ang mga test kit.
“There is something happening. I said before we should not accept that every aid is meant to be good for this nation,” ayon kay Magufuli, na pinupuna ang liderato dahil sa pagiging masikreto tungkol sa impormasyon ng COVID-19 outbreak sa kaniyang bansa.
Sinabi ni Magufuli na kailangang magkaroon ng imbestigasyon tungkol sa test kits.
Hanggang nitong Linggo, mayroon umanong 480 COVID-19 cases sa Tanzania, at 17 sa mga pasyente ang nasawi.
Samantala, sinabi ni Magufuli na magpapadala siya ng emisaryo sa Madagascar para makakuha ng gamot doon na ibinibida ng pangulo ng naturang bansa.
Gayunman, ang sinasabing gamot na helbal mix ay hindi pa sumasailalim sa pandaigdigang pagsusuri sa medisina.
“I’m communicating with Madagascar,” ayon kay Magufuli. "They have got a medicine. We will send a flight there and the medicine will be brought in the country so that Tanzanians too can benefit.” -- Reuters/FRJ, GMA News