Isang dating guro na person with disabilities (PWD) at hirap maglakad ang napilitang magpunta sa munisipyo ng Imus sa Cavite para matanggap ang pinansiyal na ayuda mula sa social amelioration program (SAP).
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video nang pagpunta ni Roy Moral sa munisipyo na kinailangang isakay sa ambulansiya at ihiga sa stretcher bago siya inihatid sa tanggapan ng City Social Welfare and Development ng munisipyo.
Napilitan na raw si Moral na magpunta ng munisipyo matapos hindi matupad ang pangakong dadalhin sa bahay ang SAP kapag ang benepisaryo ay PWD, buntis at nakatatanda.
Sinubukan din umano ng kaniyang misis na magpunta sa CSWD para siya na lamang ang kumuha ng ayuda pero bigo pa rin sila kahit nagpakita na sila ng video, dokumento, medical records at authorization letter tungkol sa kalagayan ni Moral.
"Kailangan daw po kasi may physical appearance. Talagang ako po talaga," sabi ni Moral.
"Dapat ako ang kumuha. Sa kabila ng pakikiusap naman ng asawa ko dahil apat na beses na siya, magkakaibang araw nagpunta doon, hindi naman po binigay." dagdag niya.
Hindi makalakad nang matagal si Moral dahil sa kondisyon niyang Ankylosing Spondylitis, o pamamaga ng gulugod, na nagdudulot ng matinding sakit.
"Spondilitis at meron po akong venous statis ulcer. Hirap po talaga ako. In pain po ako lagi kasi dahil po sa buto ko," saad ni Moral.
Dahil walang masakyan bunga ng enhanced community quarantine, at dapat nakahiga si Moral kapag bumiyahe, kinailangan pa muna nilang humiling ng ambulansiya para magpunta sa munisipyo.
Mula naman sa ambulansiya, inilipat pa siya sa stretcher at inihatid sa CSWD, at doon lamang niya natanggap ang inaantay sa SAP.
Sa video, madidinig ang pagsigaw ni Moral: "Pera na po ng tao ayaw nyo pang ibigay."
Sa kaniyang naging karanasan, hangad ng dating guro na sana ay bigyan ng kaunting konsiderasyon ang mga katulad niyang PWDs, lalo na ang mga peligroso sa COVID-19.
"Dapat hindi ako pinapalabas kasi unang-una may existing ano po ako sakit, puwede po ako mahawa. Atsaka po, prone po ako na magka-virus talaga," saad niya.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ang Department of Social Welfare and Development, na siyang namamahala sa implementasyon ng SAP.-- FRJ, GMA News