Isang "pug" sa North Carolina ang unang kaso ng alagang aso sa Amerika na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ang mga amo ng aso, pawang positibo rin sa virus.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ng tagapagsalita ng American Humane Society nitong Martes, na posibleng nakuha ng aso ang virus sa kaniyang mga amo na mag-asawa at isang anak.
Kamakailan lang, dalawang alagang pusa rin sa magkahiwalay na lugar sa New York ang nagpositibo sa virus.
READ: 2 alagang pusa sa New York, nagpositibo sa COVID-19
Nitong nakaraang buwan, sinabi ng Hong Kong health authorities na isang alagang aso sa kanilang lugar ang posibleng kauna-unahang kaso ng pet dog na nagpositibo sa virus.
Bagaman nagpopositibo sa virus ang hayop, inihayag ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), na wala namang patunay na maipapasa ng hayop ang virus sa tao.--Reuters/FRJ, GMA News