Masasabing bahagi na ngayon ng social media history ang ginawang "eagle dance" at macho dance ni Dante Gulapa na sobrang pumatok at nagustuhan ng netizens. Pero paliwanag ng binansagang "Big Papa" ng netizens, hindi niya iyon ginawa para magpasikat.



Sa isang panayam sa "Studio 7," sinabi ni Dante na naisipan niyang magsayaw at i-video ito para magkaroon siya ng remembrance sa pagma-macho dancing.

Pero hindi raw niya inakalang papatok iyon sa netizens na nagbukas sa kaniya ng iba't ibang oportunidad.

"Nung lumabas yung video ko hindi ko akalain na sisikat ako nang ganun. Kasi hindi ko naman ini-expect na magpasikat o magpa-ano... ang gusto ko lang po talaga meron akong ano... kumbaga remembrance lang. Kasi ano medyo matanda na [ako]," paliwanag ni Dante.

Patuloy pa niya, "Wala kasi akong remembrance noong nagsasayaw pa ako sa bar kaya hindi ko po expected."

Dati nang inamin at hindi ikinahiya ni Dante na nagtrabaho siya noon bilang mancho dancer.

Ipinaabot muli ni Dante ang kaniyang lubos na pasasalamat sa mga sumusuporta sa kaniya.

Bukod kasi sa na pumatok sa social media ang kaniyang video na nagsasayaw, lalo pa itong sumikat nang makasamang i-feature sa sikat na programang "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Sa darating na Sabado, matutunghayan sa episode ng "Magpakailanman" ang buhay ni Dante na gagampanan ni Jak Roberto bilang binatang Dante na macho dancer.


Gagampanan din si Dante ang kaniyang sarili para sa kasalukuyang panahon.-- FRJ, GMA News