Kung ang ibang nasa probinsiya ay lumuluwas ng Maynila para maghanap ng suwerte sa buhay, si Omar Phoebe Arasad na laking Maynila, umuwi ng Tawi-tawi at doon umasenso ang buhay.
Sa nakaraang episode ng programang "Good News," itinampok ang lalawigan ng Tawi-Tawi na mayaman sa seafood gaya ng isda, alimango at pugita, na bagsak ang presyo kumpara sa Maynila.
Napapaligiran kasi ng mayamang katubigan ng Sulu Sea at Celebes Sea ang isla ng Tawi-Tawi.
Ang content creator na si Danica na mula sa Cavite, nakarating sa Bongao, Tawi-Tawi sakay lang ng kaniyang bike. Nagulat siya nang malaman kung gaano kamura ang mga lamang-dagat doon kumpara sa presyo sa Maynila.
Gaya ng dalawang piraso ng alimango na mabibili lang ng P150. Ang mga naglalakihang pugita naman na halagang P450 per kilo sa Maynila, umaabot lang P140 hanggang P170 ang presyo sa Tawi-Tawi.
Ang lobster naman, mabibili sa lalawigan ng P500 hanggang P1,000, na malayo sa presyo sa Maynila na nasa P3,000 hanggang P4,000.
Ang isa sa mga nagtitinda o nagsusuplay ng mga yamang-dagat na ito, si Omar na laking Maynila pero bumalik sa Tawi-tawi nang natigil na siya sa pag-aaral sa kolehiyo.
Naramdaman ni Omar, o Oms, na nasa isla ng Tawi-Tawi ang suwerte niya. Kaya sinubukan niyang magtrabaho sa bagsakan ng isda noong binata, sa tulong na rin ng kaniyang mga magulang.
Tumulong din siya sa negosyo ng kaniyang amo na rentahan ng bangka.
Ngunit unti-unting nalugi ang kanilang negosyo, kaya naisip niyang magtinda ng pugita na marami sa kanilang karagatan.
Pumatok ang kaniyang negosyo at unti-unti silang nakabangon.
Subalit muling naharap sa pagsubok si Oms nang magkaroon ng isyu na dayaan ng timbang sa mga tindahan ng pagkaing dagat sa kanilang lugar.
Para makapagsimulang muli, nanghiram siya ng pera sa kapitbahay at nagtinda ng isda sa maliit na puwesto sa labas ng kanilang bahay kubo.
Dumami ang mga suki ni Oms at nakilala bilang isa sa mga sikat na tindero sa kanilang lugar.
Naibalik na rin niya ang kalakasan ng panindang pugita noon, at naging mabenta na rin sa kaniyang negosyo ang lobster.
Umaabot na ngayon ng P6,000 hanggang P10,000 kada araw ang kita ni Oms.
May three-story na bahay na ngayon si Oms mula sa dating bahay kubo, may sariling bodega na bagsakan ng isda, may sariling mga tauhan, at nakakapag-ship na ng isda sa iba pang parte ng Pilipinas.
Nakapagbibigay din ng trabaho si Oms sa kaniyang mga kababayan na ang iba ay kaniyang mga empleyado.
Napagtapos na rin ni Oms sa kolehiyo ang apat niyang anak na pawang mga propesyunal na. At magmamartsa na rin ang kaniyang bunso sa susunod na taon.
"Hindi man ako nakatapos, may napatunayan din ako sa sarili ko, sa pamilya ko, sa aking parents na na-disappoint ko, na kayang bumangon," sabi ni Oms.-- FRJ, GMA Integrated News