Para sa National Artist for Literature na si Virgilio S. Almario, na kilala rin sa tawag na Rio Alma, may mga salita na ginagamit ang mga Pinoy na hiram mula sa wikang Español o Amerika pero "hilaw" ang pagkakasalin. Ang tawag niya sa mga ito--“siyokoy.” Ano naman kaya ang "sirena?" Alamin.

Sa pangkaraniwang pagsasalita at pagsusulat nating mga Pilipino, ginagamit natin kung minsan ang mga salitang “kontemporaryo,” “aspeto,” “prayoridad” at “dayalekto” na mga hiram umano mula sa wikang Español pero kabilang sa mga salitang “siyokoy” na itinuturing ni Almario.

Sa eksklusibong panayam ng GMA News Online tungkol sa mga salitang siyokoy, sinabi ni Almario na nagmula ang mga ito sa maling pagsasalin ng ilang “edukado” ng mga salitang Español.

“Formulaic ‘yung kanilang pag-translate from English to Spanish. Meron kasing English words na halimbawa, lagyan mo lang ng ‘e’ ang ‘President’ (English), ‘Presidente’ (sa Español). Pagka nalibang ka roon, hindi mo alam may mga exception to that kind of formula, nagiging hindi wasto ‘yung translation o ‘yung word na ginagamit mo. Kaya, anong nangyayari? Nagkakaroon ng hindi Spanish, hindi English na word,” sabi ni Almario.

Gaya na lamang ng Ingles na “contemporary.” Ito ay “contemporáneo” sa Español, kung kaya dapat itong isalin sa Filipino bilang “kontemporaneo,” at hindi “kontemporaryo.” Kung hahango naman sa Ingles, “kontemporari” ang pagbabaybay nito, paliwanag niya.

Mariin ding tinututulan ni Almario ang salitang “aspeto.” Kung ibabase sa wikang Españól, ito ay “aspecto” kaya ang wastong baybay ay “aspekto” at hindi “aspeto,” o “aspek” naman kung Ingles ang pagbabatayan.

Pinuna rin ni Almario ang paggamit ng salitang “imahe” na nangangahulugang larawan likha mula sa potograpiya, para maiba sa konsepto ng “imahen” na tumutukoy sa pigura ng mga santo.

 

 

Paliwanag ng National Artist for Literature, ang Ingles na “image” at Español na “imagen” ay parehong tumutukoy sa pigura ng mga santo at mga larawang mula sa potograpiya.

“Kahit kayo mag-aral ng gamit ng imahen, tingnan niyo gamit ng imahen sa panahon ni Rizal, makikita niyo, image na religious, tapos at the same time, larawan. ‘So hindi totoo ‘yung inyong ginagawang distinction. Namali lang kayo ng tingin. Akala niyo, ‘image’ ‘yan, [pero] imahen. Bakit hindi na lang ninyo gamitin yung ‘imeyds’ (Ingles) sa halip na ‘imahe,’ o kaya ‘imahen,’ kung gusto niyo sa Kastila,’” pag-alala ni Almario na kaniyang sinabi sa mga nakadiskusyon niya noon sa mga nagsusulong nito.

Magkaiba naman daw ang Ingles na “peasant,” na nangangahulugang magsasaka, sa salitang “pesante” sa Español na nangangahulugan “gravity” o “bigat.” Kaya hindi wasto ang “pesante” sa Filipino kung ang tinutukoy ay “magsasaka.” Gamitin na lang daw mismo ang salitang “magsasaka,“ o “pesant” na baybay kung Ingles.

Ilan pa sa mga salitang “siyokoy” ang mga salitang “prayoridad,” na dapat ay “priyoridad” mula sa Español na “prioridad” o “prayoriti” sa Ingles; “dayalekto” na dapat ay “diyalekto” (mula sa Español na dielecto) o “dayalek” (Ingles); “endorso" na dapat ay “endoso” (mula sa Español din na endoso) o “endors” (Ingles); “dayalogo" na dapat ay “diyalogo" (mula sa Español na dialogo) o “dayalog” (Ingles); “responsibilidad” na dapat ay responsabilidad (mula sa Español na responsabilidad) o “rispansibiliti” (Ingles).

Napansin din ni Almario ang paggamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ng ilang salitang siyokoy sa kaniyang State of the Nation Address 2024 gaya ng “istatistika,” na dapat ay “estadistika,” dahil ito ay mula sa Español na “estadística,” o “istatistiks” kung Ingles.

“[Ito ay] bunga lang ng unconscious na gamit ng Spanish na hindi nila alam dahil hindi na sila nag-aaral ng Spanish. Ayaw naman nilang tingnan sa dictionary para makita nila na mali ‘yung kanilang ginagawa,” sabi ni Almario.

At kung bakit naman “siyokoy” [tumutukoy sa nilaláng na anyong laláki ang katawan ngunit tíla isda ang ulo at may kaliskis ang katawan], ang kaniyang bansag sa naturang mga salita, ang simpleng paliwanag ni Almario, “‘Yun kasing siyokoy, pangit na nilika ‘yun eh.”

“Nagpapadami lang sa ating mga salita na hindi naman natin kailangan. Dahil nagiging variants lang siya eh. Eh sabi ko ‘yung mga variant, nagpapakapal lang ng diksiyonaryo ‘yan. Gagawa rin ako ng dictionary, ang dami-dami mong inilalagay na variants, wala namang nangyayaring pagsulong ‘yung wika. Hindi naman sumusulong, dumadami lang ‘yung salita eh,” sabi ni Almario.

“Hindi nangangahulugan na masama ang variants. Kaya lang gusto ko maging conscious sa mga tao na itong ginagamit nila eh hindi wasto,” paliwanag niya.

“Kaya talagang dapat magiging conscious [tayo sa] standard language. Dahil ngayon, mas written language ang ating pinag-uusapan na,” patuloy ni Almario.

Nanindigan si Almario na hindi magandang paraan upang isulong ang wikang Filipino ang patuloy na paggamit ng mga salitang “siyokoy.”

“Lalo na tayong mga educated, dapat tayo ang maging modelo ng standard language,” sabi niya.

May paglilinaw din si Almario na ang paggamit ng mga salitang siyokoy ay iba sa kaso ng mga Jejemon at Bekimon, na sadyang iniiba ang kanilang wika para hindi sila maintindihan, na kanila lamang ginagamit “for inside communication.”

“‘Yung mga language nila na ‘yun, hindi ‘yun ang tumatagal. Afterwards, mawawala. ‘Yung mga Bekimon nga sa isang linggo nagbabago eh, para lalong mahirapan kayo,” sabi niya.

Kung may mga salitang “siyokoy,” mayroon din namang mga salitang “sirena,” o may kamalayang pagsasalin mula sa wikang Español.

Ilan dito ang salitang “sikolohista,” na tumutukoy din sa mga “sikologo” o mga tao sa larangan ng sikolohiya.

“So, hindi ‘yun Spanish, pero at the same time, it's not violating the Spanish language. Kasi ‘yung mga ‘-go’ at saka ‘-ista’ ginagamit siya para sa work ng tao, profesyon, klase ng tao.”

Samantala, ang Español na “scientífico” ay parehong ginagamit bilang pangngalan (noun) at pang-uri (adjective), hindi gaya ng sa Ingles na ang “scientist” ay pangalan at ang “scientific” naman ay “pang-uri.”

Kaya “inuso” ni Almario ang salitang “siyentista” sa Tagalog na tumutukoy sa taong dalubhasa sa agham, na katumbas din ng “siyentipiko.”

Ngunit kung Ingles ang gagamitin, ito ay “sayantist.”

Standard language

Kilalang awtor, makata, kritiko, tagasalin at guro na ginawarang National Artist noong 2003, isa sa mga matagal nang isinusulong ni Almario ang pagkakaroon ng standard language sa Filipino, na kailangan sa pagsusulat.

Inilahad niya ang ilan sa mga maaaring negatibong epekto sa edukasyon sa bansa ang patuloy na paggamit ng mga salitang “siyokoy” o “hilaw.”

“Ibig sabihin lang nu’n, ‘yung mga teacher hindi nagbabasa. Hindi naman nila ako narinig eh. Hindi naman nila ako binabasa. Kung hindi nila ako binabasa, hindi na matututuhan ‘yon,” sabi niya. “Pagka nakarinig sila ng mali, hindi nila naman matutuhan dahil hindi nila alam. Ganon kababa rin ang language learning ng ating teachers.”

"'Yung iba, siyempre ayaw nila 'yun, humihigpit daw ako. Pero kailangang may editor ang language. Kahit naman sa English, nagsimula walang editor. But later on, pagdating nina Samuel Johnson (Ingles na kritiko, makata at leksikograpo noong ika-18 siglo), nagbago na 'yung language. May ispeling ni Shakespeare, binago na," sabi niya.

Iminungkahi ni Almario ang muling pagsasanay ng mga guro sa dalawang bagay: ang istandardisasiyon ng wikang Filipino, at ang pagtuturo nito.

Pinuna ni Almario ang kakulangan sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa sa pagsusulong ng “second-language approach” na pagtuturo ng wikang Filipino sa mga lugar na hindi gumagamit ng Tagalog.

Hinimok din niyang magkaroon pa ng mas maraming mananaliksik sa wikang Filipino.

Samantala, tungkulin naman ng mga brodkaster at mga mamamahayag ang paggamit ng mga wastong salin ng mga salitang Filipino.

“Ang media talaga, kailangan mahusay ang language para matuto nang mahusay ng Filipino ang mga tao,” sabi niya.

Para kay Almario, malayo pa ang estado ng Filipinas pagdating sa pagsusulong nito ng wikang Filipino.

“Kailangan natin ang isang tunay na lider na nagmamahal sa language sa atin,” sabi niya.

Mali-maling Google translate

Para kay Almario, hindi rin nakatutulong ang paggamit ng “Google Translate” sa mga Pinoy para matutuhan pa ang wikang Filipino.

“Hindi nakatutulong, nakamamali pa nga eh. Google Translate, mali-mali,” saad niya.

“Kung ganiyan lang ‘ká ko, huwag niyo nang gamitin ‘yan. ‘Pag nagmamadali lang kayo, okay. Pero pagka hindi kayo nagmamadali, huwag niyong gamitin ‘yan. Mamamali kayo lagi,” payo niya.

Base sa kaniyang personal na karanasan, “madalas mali” ang mga iminumungkahing salin ng Google Translate ng mga salitang Filipino.

“‘Pagtingin ko ng word na nahihirapan ako, naggu-Google kaagad ako. Tinitingnan ko kung ano ‘yung bibigay sa akin. Mali ang suggestion. Madalas mali. Talagang titingin pa rin ako sa diksyonari para makita ko ‘yung gusto kong word,” kuwento niya.

“‘Pag tamad ka, ayun. Talagang ang language, hindi puwede ‘yung tamad eh. Kailangan habambuhay mong pinag-aaralan iyon. Lalo na kung teacher ka habambuhay mong inoobserbahan kung ano ang development,” ayon kay Almario para makapagturo ng tamang wika sa mga kabataan. --FRJ, GMA Integrated News