Hulyo 22, 2022 nang ma-diagnosed na may lung cancer si Rodolfo ‘Pong’ Biazon, ayon sa kaniyang anak na si Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino "Ruffy" Biazon.
Part 1: Sen. Rene Cayetano at Sen. Pong Biazon sa alaala ng kani-kanilang mga anak
Part 2: Namayapang dating Sen. Rene Cayetano, inspirasyon sa kaniyang mga anak
Part 3: Rodolfo ‘Pong’ Biazon, sundalo, mambabatas, ama
Part 4: Rodolfo ‘Pong’ Biazon, nasa pulitika pero hindi naging politiko
Noong 2023, dalawang beses na ring tinamaan ng pneumonia ang dating senador, dating kongresista, at dati ring Armed Forces of the Philippines Chief of Staff.
Hanggang sa pumanaw si Pong sa mismong Araw ng Kalayaan noong nakaraang taon. Hanggang ngayon, hinahanap-hanap pa rin ni mayor Biazon ang mga pag-uusap nila ng kaniyang ama.
“He treated me like a contemporary, like a colleague. Kumbaga he respected me as what I am at that time, a legislator, a co-public official. Kaya kapag may talks kami noon, it goes beyond ‘yung usual talk of a father and son. And sa akin, professionally, it helped me a lot. Kasi ang dami ko nakukuhang tips and advice and wisdom from him,” saad ng alkalde.
“So, ‘yung mga panahon na ito na kung minsan gusto kong merong sounding board ng kung ano man ang nasa isip ko, wala siya. Siyempre iba ‘yung nakukuha mo sa father mo at lalo na ‘yung stature kasi niya,” dagdag niya.
Pag-amin ni mayor Biazon, hindi pa siya makaka-recover sa pagkawala ng ama.
“One year after, there would still be moments that I would cry. Kasi, siyempre, ‘yun nga, malaki ‘yung nakukuha ko sa kaniya na guidance and support,” malungkot niyang pahayag.
Kuwento ni Biazon, kagagaling lang niya kamakailan sa abroad para sa isang learning program, at tiyempo namang Hunyo 12 din ang kaniyang balik sa bansa. Nakapag-organisa pa siya ng Misa at hapunan kasama ang kanilang pamilya.
“What I really wanted was to be here at the hour that he passed away to commemorate it,” pagbabahagi niya. “Siyempre, may lungkot kasi hindi ko naabutan ‘yung oras na ‘yun. He passed away at around 8 in the morning of June 12, 2023.”
Masayang reunion na napalitan ng lungkot
Pagbahagi ni Biazon, Abril 2023 nang tamaan ng pneumonia si Pong. Nalabanan ng ama ang sakit ngunit isinailalim na siya sa permanent oxygen support.
Dahil dito, napaaga ng uwi ang kapatid ni Biazon na si Rino mula sa abroad para makapaglaan ng oras kasama ang ama.
Ang dapat sana’y out-of-town nilang pamilya para sa reunion, isinagawa na lamang malapit sa Metro Manila. Marami silang kinailangang ikonsidera sa lugar na pupuntahan.
Ayon kay mayor Biazon, gusto ng kaniyang ama na makapagbakasyon sa beach o dagat. Ngunit isinaalang-alang ng kanilang pamilya na dapat malapit ito sa ospital, madaling puntahan, may PWD accessibility at pet friendly.
Hanggang sa may napili na silang lugar na kanilang pinuntahan para sa reunion. Pero biglang sumama ang pakiramdam ng kaniyang ama.
“One evening, nandu’n kami na biglang ang breathing niya was really distressed. In the middle of the night, we brought him to the hospital. And there, he was diagnosed with pneumonia again. And then, recommended na to be transported either ipasok na sa ICU there, or i-transport sa Manila,” kuwento ng alkalde ng Muntinlupa.
Na-confine si Pong sa ospital at isinailalim sa intensive care unit. Pero hindi na bumuti ang lagay ng kaniyang ama.
Huling paalam
Sa kabila ng kalungkutan, ipinagpapasalamat ni mayor Biazon na nagawa nila na makapagpaalam sa kanilang padre de pamilya.
“Thank God, may ganu’n, nagkaroon ako ng opportunity. Although, not in an ideal scenario, kasi medyo sedated na siya noon, he was under the tube. Pero, tinanggal na ‘yung tube. He was able to breathe on his own tapos, makikita ko may fits of consciousness. At least nakausap namin and everything although, he was not able to talk,” saad ng alkalde.
Kasabay ng kaniyang patuloy na pagdadalamhati ay ang pagtanggap ni mayor Biazon sa paglisan na ang ama.
“We need to accept. In a way, one coping mechanism ko was siyempre ‘yung acceptance na life has an ending,” saad niya.
“Ang pinaka-desire ko nu’ng nandoon siya sa ICU was to be able to talk to him na conscious siya and tell him na you've done well. You accept Christ as your Savior and you're on the way to a good place,” saad ni Biazon, na kaniyang sinabi sa ama sa mga huling sandali nito.
Si Pong sa alaala ni Ruffy
Higit pa sa pasasalamat ang masasabi ni mayor Biazon sa buhay at mga aral na iniwan sa kanila ng kaniyang ama na si Pong.
“‘Yung gratitude of how he raised us. He was a good parent. He was a good father. He was a good teacher. A good source of wisdom," saad niya. “He was a good Filipino. Practically, the entire life, he spent serving the people.”
Lubos na hinahangaan ni mayor Biazon sa ama ang hindi nito pagbabago gaano ang tagumpay na naabot bilang isang sundalo at mambabatas.
“Noong una ko siyang nakilala na he was just an ordinary soldier. Even when he was senator with all these good things people say about him, it did not change him. He did not see the position as a position of high privilege. In fact, to him, it's a reason for him to be even more humble. And avoid ‘yung masabi na power got to his head. I'm just thankful that he was like that. Hindi siya nagbago,” paliwanag niya.
Ito rin ang kaniyang maibabahagi para sa mga anak habang nabubuhay pa ang kanilang mga magulang.
“Accept that there's an end to life. But also accept that there's a good place to go to at the end of it. Whether old age or younger age, God is open to you. Ang importante lang, may chance ka na masabi sa father mo, sa mother mo, accept that you've been saved,” mensahe niya para sa lahat ng mga anak.-- FRJ, GMA Integrated News