Pagkatapos ng misa, sisimulan na ang tradisyon ng mga taga-Liliw sa Laguna na magpaagaw ng pera. May mga barya, may mga perang papel, at may dolyar pa! Bakit nga ba nila ito ginagawa?
Ang pagpapaagaw ng pera ay bilang pasasalamat umano ng mga tao sa kanilang patron na si San Isidro Labrador para sa masagana nilang ani, ayon sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Pero hindi lang ang mga namimigay o nagpapaagaw ng pera ang binubuwenas sa buhay, kundi maging ang mga sumasali o nakakilahok sa pag-agaw.
Bukod sa masaganang buhay, nagbibigay din daw ng kalakasan sa kanilang katawan ang pagsali sa pag-agaw ng pera.
Si Acel Acuna na nagpapaagaw ng pera, sinabing suman dati ang ipinapaagaw sa kanilang lugar hanggang na madagdagan na ng pera.
Ang pamilya ni Margarita Montiero, limang dekada nang ginagawa ang pagpapaagaw ng pera at may kasama pang sandals at sapatos na kanilang negosyo.
Samantala, dahil sa agawan, hindi naiiwasan na may perang napupunit. Kaya ang nakakuha ng putol na pera, kailangang hanapin ang nakakuha ng kaputol na pera.
At kapag nagkita na ang dalawa, kailangan nilang mag-toss coin para malaman kung kanino mapupunta ang napunit na pera.
"Si San Isidro Labrador noong nabubuhay pa hindi siya naging maramot," sabi ni AJ Orencia, Liliaw Cultural and Historical Coordinator. "" Katulad din dito sa amin sa Liliw tinutularan natin si San Isidro sa pagiging bukas palad niya." --FRJ, GMA Integrated News