Iniingatan at nakalagay sa wallet ng isang anak ang sulat ng iniwan sa kaniya ng kaniyang namayapang ina. Para hindi na ito mawala o masira, ang mga nakasaad sa sulat, ipina-tattoo niya sa kaniyang katawan.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng 24-anyos na ngayon na si Tui Tuibeo, na nakasaad sa sulat ang mga huling bilin ng kaniyang ina na si Joy Anne, na pumanaw dahil sa sakit na cervical cancer mahigit isang dekada na ang nakakaraan.

Nakatira na ngayon si Tui sa Cavite, kasama ang kaniyang kuya na si Brian, at ang bunso nilang si Bea.

Ang magkakapatid, mag-isang itinaguyod ng kanilang ina dahil hiwalay na ito sa kanilang ama.

Sa kabila ng pagtataguyod sa kanila, nagpatuloy pa rin sa pagkuha ng kursong nursing ang kanilang ina.

Pero nang magtapos sa nursing ang kanilang ina noong 2008, doon naman ito nagkasakit. Hanggang sa matuklasan na mayroong siyang cervical cancer.

Ayon kay Tui na walong-taong-gulang lang noon, nagpabalik-balik na mula noon sa ospital ang kanilang ina.

Dahil sa naging karamdaman,  humihingi raw noon sa kanila ng paumanhin ang kanilang ina dahil hindi na nila ma-e-enjoy ang kanilang kabataan.

Hanggang sa ma-confine na sa ospital ang kanilang ina, at hindi naman puwedeng dalawin ng mga bata ang kanilang ina.

Dahil nakaugalian na nila noon pa man ang magsulatan, idinaan ng ina sa sulat ang mga nais niyang sabihin sa kaniyang mga anak.

"Pag-uwi niya magugulat na lang siya meron na kaming ibibigay sa kaniya. Tapos babasahin niya sa aming tatlo isa-isa yung letter namin," ayon kay Tui noong panahon na wala pang sakit ang kanilang ina.

Hanggang sa binawian na ng buhay ang kanilang ina. Sa araw mismo ng ika-10 kaarawan ni Tui, inilibing sa Tarlac ang mahal nilang ina.

Ayon kay Tui, ramdam pa niya ang sakit at lungkot sa tuwing binabasa ang huling sulat sa kaniya ng ina. Mayroon din sulat na ginawa ang kanilang ina para kina Brian at Bea.

Nang maisipan ni Tui na magpalagay ng tattoo, ninais niya na ang disenyo nito ay may bahagi ng kaniyang buhay. Hanggang sa maalala niya ang sulat ng kaniyang ina.

Ayon kay Brian, mahigpit na bilin sa kanila ng kanilang ina na huwag silang mag-aaway-away na magkakapatid.

Dahil sa pagkawala ng inang nagtataguyod, napilitan ang magkakapatid na maagang harapin ang mga pagsubok sa buhay at matustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Sa edad na 17, nagtrabaho na noon si Brian, at naantala ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Gayunpaman, ngayon ay may kani-kanila nang trabaho ang magkakapatid, at nag-aaral sa kolehiyo si Bea.

"Sa buhay naming magkakapatid ngayon, sa kaniya pa rin kami humuhugot ng lakas. Kung ano kami ngayon, dahil iyon sa pagdidisiplina at pagututuro niya sa amin noong bata pa kami," ayon kay Tiu.

Para sa Mother's Day, binisita ng magkakapatid ang puntod ng kanilang ina sa Tarlac. Bitbit nila ang kani-kanilang sulat para sa kanilang mahal na ina. Tunghayan sa video ang nakaantig nilang kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News