Pumanaw ang isang 34-anyos na Pinay transgender woman matapos na sumailalim sa gender-affirming surgery o pagpapalit ng maselang parte ng katawan na isinagawa sa Pilipinas.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing pangarap talaga ni "Ruggie," naging DJ sa Surigao, na sumailalim sa gender-affirming surgery na isinagawa sa bansa kamakailan lang.
Noon pa man, hangad na umano ni Ruggie na maging isang ganap na babae na unti-unti niyang isinakatuparan.
Nagpahaba siya ng buhok, uminom ng hormones, at nagpadagdag ng dibdib. Ang magpa-vaginoplasty o magpapalit ng ari ang natitirang kailangan niyang gawin.
Nang makaipon ng sapat na halaga para sa naturang operasyon at makahanap ng mapagkakatiwalaang duktor na magsasagawa nito sa Pilipinas, isinagawa na ang gender-affirming surgery kay Ruggie.
Ayon sa mga kaanak ni Ruggie, matapos ang operasyon, sinabihan sila na naging matagumpay ito at inalis na siya sa operating room kinagabihan.
Pero kinabukasan, sumama ang pakiramdam ni Ruggie at nahirapang huminga kaya isinugod siya sa ospital, at kinalaunan ay binawian na ng buhay.
Sa death certificate, nakasaad na acute respiratory distress syndrome, at may underlying cause na pulmonary embolism ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Paliwanag ni Dr. Vincent Manuel, medical specialist, ang acute respiratory distress syndrome ay kondisyon na namamaga ang buong baga. Habang ang pulmonary embolism ay pagkakaroon ng bara sa daluyan ng ugat sa baga.
"Pareho silang nagko-cause ng kamatayan sa mga pasyenteng nag-a-undergo ng gender-affirming surgery. Nagkakaroon sila ng complication rate na hindi bababa ng 6%," sabi ni Manuel.
Labis ang sakit na nararamdaman ng pamilya sa nangyari kay Ruggie, na isang mapagmahalan na anak, kapatid at kaibigan.
Napag-alaman na panganay sa pitong magkakapatid si Ruggie, at siya ang naging katuwang ng kanilang ina sa pagtaguyod sa kanilang pamilya mula nang pumanaw ang kanilang padre de pamilya.
Nagsikap si Ruggie at inuna na mabigyan nang maayos na buhay ang kaniyang pamilya. Pero kung kailan malapit na niyang matupad ang kaniyang pangarap, nangyari ang trahedya.
Ano nga ba ang mga dapat tandaan bago sumalang sa naturang mga operasyon? At may plano kaya ang pamilya ni Ruggie na ihabla ang duktor na nagsagawa ng operasyon? Tunghayan sa video ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News