Lumabas sa isang pag-aaral na nagdudulot ng matinding stress na maaaring mauwi sa iba't ibang sakit ang labis na pag-iisip o problema sa pera.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News “Unang Balita” nitong Martes, sinabi ng clinical psychologist na si Rainier Ladic, na pito sa 10 Pinoy ang nahihirapan sa pag-handle ng gastusin.
BASAHIN: Nabibili ba ng pera ang kasiyahan o kaligayahan ng tao?
“Seven out of 10 Filipinos daw ang nag-struggle doon sa pag-deal nila sa mga utang, making the Philippines the most stressed nation when it comes to managing household finances,” ani Ladic.
Sa pag-aaral na ginawa ng British researchers sa University College London, sinasabi na ang pag-iisip o alalahanin sa pera ay maaaring mauwi sa anxiety, depression, heart disease, high blood pressure, at maging ang maagang pagkamatay.
Kabilang umano sa mga sintomas na nagiging problema na sa kalusugan ang problema sa pera ay ang pagkabalisa at pananakit ng ulo, na sa labis na pag-iisip ay nauuwi sa stress.
Higit na matindi pa umano ang epekto ng problema sa pera kumpara sa iba pang pagsubok sa buhay gaya ng pagpanaw ng isang mahal sa buhay, hiwalayan at iba pa.
Para maiwasan na mauwi sa karamdaman ang alalahanin tungkol sa pera, ipinayo ni Ladic na dapat magkaroon ng kaalaman ang tao sa financial management o financial literacy, at magkaroon ng trabaho o pagkakakitaan para may panggastos.
Kung kailangan, ipinayo rin ni Ladic na magpatingin sa mental health professionals.
“Hindi naman porket na mag-reach out tayo sa mga mental health professional, it means to say na mayroon something wrong within us,” paliwanag niya.
“Ang goal talaga dito is yung maibalik natin yung kanilang emotional stability in doing what they have to do,” dagdag pa ni Ladic.
Sa isang episode ng Unang Hirit, nagbigay ng paso ang financial coach at content creator na si Yani Moya, tungkol sa dalawang simpleng paraan kung may problema sa pagbabayad sa utang.
Sa isang episode ng “Unang Hirit,” ang tinawag na snowball method ay paglilista mga utang, at bayaran mula sa pinakamaliit papunta sa pinakamalaki.
Ayon pa kay Yani, dapat bayaran ang utang sa takdang panahon para maiwasan ang dagdag na gastos kapag nagkaroon ito ng interes o penalty kung hindi kaagad nababayaran.-- FRJ, GMA Integrated News