Batay sa isang pag-aaral, dapat nasa P110,000 kada buwan ang sahod ng mga Pilipino para maging masaya. Nasa pera nga ba ang kasagutan para maging masaya ang isang tao?
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing galing sa consumer website na Expensitivity ang pagtaya na dapat nasa P110,000 ang buwanang kita ng isang Pinoy para maging masaya.
Ang datos ay base umano sa pag-aaral ng ilang siyantipiko ng isang kilalang public research university na Purdue University. Kasama rin sa pinagbasehan ang mga datos ng purchasing power mula sa World Bank para maging angkop sa sitwasyon ng mga Pinoy.
Sa ngayon, umaabot sa P610/kada araw ang minimum wage sa Metro Manila, at mas mababa ang minimum wage sa ibang rehiyon.
Ayon sa think tank na Ibon foundation, dapat nasa P1,197 kada araw o P26,033 kada buwan ang kailangan na kita ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente sa Metro Manila.
Ang gobyerno, naniniwala na sapat na ang P13,797 na kada buwan na kita sa isang pamilya na may limang miyembro para matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailan.
Ayon sa registered financial planner na si Fitz Villafuerte, normal na unahing paglaanan ng gastos ang pagkain bago isipin ang ibang pagkakagastusan na magpapaligaya sa kaniya.
Mayroon umanong antas na kita na kailangang maabot para hindi mangamba sa mga pagkakagastusan sa mga pangunahing kailangan.
"Once makuha mo yung pera para ma-cover yung mga essential expenses dun ka na magsisimula na mag-isip ng ano ba yung mga puwede ko pang gawin yung mga self-fullfilment," paliwanag niya.
Ang life and wellness coach na si Katherine Grace Raneses, sinabing may mga pagkakataon na talagang nakapagpapasaya ang pera.
May mga tao umano na nakakadama ng frustration kapag naiisip na wala silang masyadong naitatabing pera para sa sarili nila.
"Pero in general, as long as kung ano ang kinikita mo is more than kung ano ang pinagkakagastusan mo most of the time people are content," sabi niya.
Ang ilang tao na tinanong kung magkaano ang dapat na kitain nila kada buwan para maging masaya, hindi namang umabot sa P100,000 ang kanilang binanggit.
Si Villafuerte, nakikita na sapat ang P26,000 hanggang P40,000 na buwanang sahod para makapamuhay ng disente at masaya ang isang pamilya.
Ang dating nagtatrabaho sa IT company na si Dave Valdez, umaabot daw noon sa P120,000 kada buwan ang kinikita.
Dahil single pa, natustusan niya ang komportableng buhay, at nakakapamasyal pa.
Pero aminado siya na kaakibat ng mataas na sahod ang mas maraming trabaho. Kaya naman kahit nasa bakasyon, kung minsan ay nagtatrabaho pa rin siya.
Nawalan na rin siya ng oras para sa pamilya at pakikihalubilo. Kaya naman nagbitiw siya sa kaniyang trabaho.
Ngayon, bar tender si Valdez na mas maliit ang kita pero masasabi niyang mas masaya siya kaysa sa dati niyang trabaho na may malaking kita.
Ang delivery rider naman na si Resty Nunez, nasa P500 kada araw lang ang kinikita, o wala pang P15,000 kada buwan.
Mas naging mahirap pa raw ang kaniyang sitwasyon mula nang magkaroon ng cancer ang kabiyak niya sa buhay.
Para kay Nunez, hindi ang malaking kita ang magpapasaya sa kaniya, kundi ang paggaling sa sakit ng kaniyang asawa.
Ayon kay Villanueva, ang sikreto sa "money can buy happiness" at magkaroon ng self-fulfillment ay gamitin ang pera para sa pangangailangan ng pamilya at tumulong sa iba na nangangailangan.
Sabi naman ni Raneses, dapat maging balanse ang kagustuhan sa pera para maging masaya.
"May pera ka nga very low naman yung awareness mo, gumagalaw ka lang sa mundo para huminga. Hindi mo alam kung bakit ka nandito, the money won't help. So it's really not just having money but also knowing ano ba yung purpose ko sa mundo. Kasi this is what brings me happiness and fulfilment," paliwanag niya.
Ayon sa ulat, malungkot ang walang pera pero hindi rin magiging masaya kung pera lang ang mayroon ka sa mundo.-- FRJ, GMA Integrated News