Ngayong summer season na uso ang mga outing at mag-swimming sa beach o sa pool, hindi rin maiiwasan na magka-sunburn. Ano nga ba ang mga paraan upang hindi masunog ang balat sa init ng araw? Alamin.
Sa programang Unang Hirit nitong Martes, sinabi ni Dr. Lala Sanchez, Aesthetic Dermatologist and Anti-Aging Medical Specialist, na maaaring magka-sunburn ang isang tao nakabadad ito nang at least three to four hours sa init ng araw.
Pero depende pa rin naman daw ito sa kung gaano kasensitibo ang balat.
"Kapag ikaw halimbawa ay nag-beach o ikaw ay nagpunta sa pool, puwede rin pong magka-sunburn kasi ‘yung combination ng init ng araw at chlorine or ‘yung salt ay puwede mag-cause ng sunburn,” paliwanag ni Sanchez.
Para maiwasang magka-sunburn, iminungkahi ni Dra. Sanchez ang paglalagay ng sunscreen sa buong katawan.
Siguraduhin ding uminom ng maraming tubig bago lumabas, at gumamit ng added protection gaya ng oral sunscreen, mga sombrero o payong.
Kapag naman nasa swimming, maglagay ng sunscreen kada dalawang oras.
Hinikayat din ni Sanchez na iwasang lumabas sa mga oras na mula 9 a.m. hanggang 4 p.m. na tirik ang sikat ng araw.
Bawasan din ang pag-inom ng kape dahil nakaka-dehydrate ito ng balat.
Para magamot ang sunburn, maaaring maligo agad ng malamig na tubig at gumamit ng mild soap, o aloe vera gel kung talagang masakit o mahapdi ang balat.
Kapag malala na ang sunburn, kumonsulta na sa doktor.
Noong 2011, hindi na ginagamit ng Food and Drug Administration ang salitang “sunblock” dahil sa maling pananaw o misconception ng mga consumer na hindi na magkaroon ng UVA rays sa balat kapag gumamit ng “sunblock.”
Kung kaya naman sunscreen na ang ginagamit na nahahati sa dalawa, na isang physical sunscreen at chemical sunscreen. -- FRJ, GMA Integrated News