Mag-isang pinapaandar ng isang guro ang bangka na kaniyang sinasakyan upang makatawid sa Sorsogon Bay at marating ang isang isla kung saan naghihintay ang kaniyang mga estudyante. Hindi niya alintana ang peligro ng dagat magampanan lang ang kaniyang tungkulin bilang isang maestra.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagsisilbing "bangkera" ang guro na si Maria Medy Paga, dahil siya mismo ang nagpapaandar ng sarili niyang bangka na kaniyang gamit papunta sa isla ng Sablayan.
Nakatira sa bayan ng Juban ang pamilya ni titser Medy. Alas-4 pa lang ng umaga, gising na ang guro upang ihanda ang pagkain ng kaniyang mga anak bago siya umalis.
Bago pumunta sa pondohan kung saan nakahimpil ang kaniyang bangkang-de-motor, dumadaan muna si titser Medy sa isang panaderya upang bumili ng tinapay na kaniyang ibibigay sa mga batang estudyante.
Ang gastos ni titser Medy sa inilalagay na gas sa makina ng bangka, sa sariling bulsa rin niya kinukuha.
Sa halos isang oras niyang biyahe sa Sorsogon Bay, may mga pagkakataon na nagkakaaberya pa ang makina ng bangka.
Hindi madali ang pagtawid sa Sorsogon Bay dahil may bahagi nito na malakas ang hangin kaya malaki ang alon. Hindi rin biro ang lalim ng dagat. At kung mamalasin, puwede pang abutin ng malakas na ulan.
Pero ang lahat ng ito, balewala kay titser Medy. Basta ang nasa isip niya, makarating sa paaralan at maturuan ang mga bata.
"Maganda yung pakiramdam na nakikita mo silang masaya," sabi ni titser Medy, na mahigit isang taon pa lang nakadestinong magturo sa paaralan ng Sablayan.
Payak ang pamumuhay ng mga tao sa isla na pangingisda at pangongopra ang pangunahing ikinabubuhay. Hanggang high school lang ang karaniwang inaabot ng mga bata sa isla dahil hindi na kayang tustusan ng mga magulang ang gastusin sa kolehiyo ng kanilang mga anak.
Ang naturang paaralan sa lugar, ang kaisa-isang mababang paaralan sa isla. Mayroon itong 179 na mag-aaral na mga residente sa isla, pito lang ang guro, at pito lang ang silid-aralan, na sira pa ang isa. Kulang din ang kanilang gamit.
Hindi lang ang mga estudyante ang humahanga sa dedikasyon ni titser Medy sa kaniyang propesyon at malasakit sa mga bata, kung hindi maging ang kaniyang mga kapuwa guro.
Kung masama ang panahon, inaabisuhan si titser Medy upang makauwi na siya ng mas maaga upang hindi abutan ng ulan sa dagat.
At pag-uwi naman sa bahay, ang tungkulin naman sa kaniyang pamilya ang kaniyang gagampanan.
Tunghayan sa video ang buong kuwento ni titser Medy at ang sorpresang ginawa sa kaniya ng mga kapuwa guro at mga mag-aaral na nagpaluha sa mapagmalasakit na maestra ng Sorsogon. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News