Naranasan mo na rin bang maglinis ng sapatos na bukod sa nanilaw, at nagkaroon ng amoy, ay naalis pa ang mga dikit gaya ng suwelas? Alamin ang tips tungkol dito ng mag-asawang pinasok ang shoe cleaning business na nagsimula sa puhunang P5,000, at ngayon ay kumikita na nang hanggang P100,000 kada buwan.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento nina Bong at Suzette Enguero, mula sa Valenzuela, na ang anak nilang si Psalms David, na sumali noon sa isang singing contest sa GMA, ang naging inspirasyon nila sa shoe cleaning business nila na Shoelotskey.
Kuwento ni Suzette, taong 2018 nang sumali sa singing contest si David, at puting sapatos ang gagamitin nito kaya nilinis niya para magandang tingnan kung makita man sa TV.
Pero nang linisin na niya at ibilad sa araw ang sapatos, nanilaw ito at natanggal ang mga dikit.
Kaya naghanap siya ng gagawa. Pero hindi naiwasan ni Suzette na isang principal at music teacher ang mister, na manghinayang sa P500 na ibabayad para sa pares ng sapatos na kanilang ipinagawa at ipinalinis.
Nang sabihin ito ni Suzette kay Bong ang presyo ng palinis at pagawa ng sapatos, nagkaroon si mister ng idea na maganda itong negosyo na dagdag-kita sa kanila.
Kaya ang paglilinis ng sapatos at may kasamang minor restoration, sinimulan nila sa bahay sa puhunang P5,000. Ngayon, umaabot na sa P90,000 hanggang P100,000 ang kita nila sa isang buwan.
Ang ipinapalinis na sapatos sa kanila, umaabot sa 200 pares sa isang linggo.
Tips ni Bong sa tamang paraan sa paglilinis ng sapatos, huwag na huwag na ibibilad sa araw ang sapatos dahil ito ang nagiging dahilan para manilaw ang sapatos at maalis ang mga dikit.
Huwag ding gamitan ng matatapang na sabon ang paglilinis ng sapatos, gaya ng bleach, lalo na kung may kulay ang sapatos.
Ayon kay Bong, sapat nang panlinis ang tubig at kung gagamit ng sabon, konti lang para maalis lang ang upper layer na dumi.
May mga uri din ng sapatos na labas at ilalim lang ang dapat linisan at hindi na kailangang basain ang loob upang hindi magkaroon ng amoy. May ibang paraan umano ng panlinis na maaaring gamitin sa loob ng sapatos.
Mas makabubuti rin kung malambot na brush ang gagamitin sa pagkuskos sa sapatos.
Kung higit dalawang taon na ang sapatos, huwag na itong masyadong babasain dahil maaaring maalis na ang mga dikit, gaya ng suwelas.
Sa shop nina Bong at Suzette, may mga kemikal silang ginagamit para maalis ang mga mantsa o dumi na hindi kayang matanggal sa pagkuskos.
Ang loob ng sapatos, ginagamitan nila ng steam cleaner para maalis ang amoy at ma-sanitized.
Mayroon pa itong deodorizer at may kaunting retouch kung kailangan.
Ang presyo nina Bong at Suzette para sa basic cleaning at minor reglue ng sapatos, nasa P225 hanggang P275.
Dahil sa naturang negosyo, nakabili na ang mag-asawa ng bahay, at mga sasakyan, mga gamit sa bahay, at may saving na rin.
Panoorin ang video ang paraan ng Shoelotskey sa paglilinis ng sapatos.-- FRJ, GMA Integrated News