Naging mainit na talakayan sa social media ang komento ni Dani Barretto sa isang podcast na dapat kusa o boluntaryo at hindi gawing obligasyon sa mga anak na suportahan ng kanilang mga magulang na nagkaka-edad na.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, binalikan ang pahayag ni Dani, anak ni Marjorie Barretto, na dapat daw na ang suporta ng anak sa nagkakaedad na magulang ay ibinibigay nang kusa at hango sa pagmamahal sa halip na gawing obligasyon na may kasamang panunumbat.
"Feeling ko po kasi ang pagbigay sa mga magulang, giving back in general, is because mahal mo yung mga magulang mo. You wanna spoil them, gusto mo silang bigyan ng magandang buhay, gusto mo iparamdam sa kanila yung pagmamahal na ibinigay nila sa iyo. You wanna give back because out of love. Hindi dapat isinusumbat nila sa iyo lahat," paliwanag ni Dani.
Ang ilang kabataan na tinanong sa ulat gaya ni Vincent, sinabing gagawin niya ang pagtulong niya sa kaniyang mga magulang bilang pagbabalik-tanaw sa ginawa sa kaniya bilang bata pa.
Kung sakaling maituturing namang "toxic" ang magulang, para kay Hazel, tutulungan pa rin niya ang magulang kung matanda na bilang pagsasalamat sa buhay na ibinigay sa kaniya.
Ayon sa socilogist na si Dr. Gerald Abergos, nagiging isyu ang sustento o pagtulong sa mga magulang kung ang mga anak ay kapos din sa buhay.
Matandang kultura na rin umano sa mga Pinoy ang pagtanaw ng utang na loob at laging inuuna ang pamilya bago ang iba.
Sabi pa ni Abergos, may mga anak din naman na nagsisimula pa lang na iangat ang sarili nilang buhay.
Ang ilang senior citizen na nanay, naniniwala na magkakaiba ang suwerte ng mga magulang sa mga anak.
Gaya ni lola Yolanda , 75-anyos, mapalad na may mga trabaho ang mga anak kaya naalagaan siya.
Pero ang 87-anyos na si lola Aida, walang regular na sustento mula sa kaniyang mga anak. Kaya sa kaniyang edad, kumakayod pa rin siya sa pamamagitan ng pananahi ng mga basahan na ibinebenta.
Pero kahit walang regular na sustento mula sa mga anak, walang sama ng loob si Lola Aida dahil nauunawaan niya na mayroong mga sariling pamilya ang kaniyang mga anak na kailangan nilang unahing pagkagastusan.-- FRJ, GMA Integrated News