Nauwi sa kilabot ang isa sanang masayang night ride ng grupo nang may makuhanan ang isang rider na tila umano elemento sa tinatawag na “Devil’s Corner” sa bahagi ng Marilaque Highway. Totoo nga kayang may mga nagpaparamdam na espiritu sa lugar?
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!,” ikinuwento ng lady rider na si Maricar “Sky” Lizada, na madalas siyang dumadaan sa nasabing bahagi ng pakurbadang daan sa Marilaque Highway kaya kabisado na niya ang daan at nag-night rider.
Pero hindi niya inasaahan ang mangyayari nang mapadaan na siya sa Devil's Corner.
“Noong una hindi ko po talaga napansin na may nakita roon sa video, hindi ko po sure kung ano talaga ang na-capture, pero kinilabutan po ako, natakot po ako,” sabi ni Sky.
Sa video, makikita ang isang tila itim na pigura na nakatayo sa may kurbada.
Ayon sa ibang rider, tinawag itong Devil's Corner dahil sa sobrang lalim ng pakurbadang daan. Kaya hindi rin maiwasan na may mga aksidenteng nangyayari sa lugar.
Hindi rin maiiwasang magkaroon ng mga haka-haka na posibleng mayroong mga elemento sa lugar.
Upang alamin kung totoo ang mga hinala sa lugar, nagtungo roon ang paranormal researcher na si Ed Caluag.
“Sumasakit ‘yung katawan ko. Although wala tayong readings ngayon, pero physically ‘yung pakiramdam ko ang bigat. Tsaka ang sakit ng mga ganitong part (tagiliran) ko,” sabi ni Ed.
“So most likely, nakakalamang na dito sa part na ito, dito sa area na ito, malamang merong namatay dito na ito ‘yung possibly na-damage. Tsaka ‘yung dito sa part na ‘to (mukha),” pagpapatuloy niya.
Pagdating ni Ed sa Devil's Corner, "Dito (tagiliran) ‘yung mas mabigat ‘yung pakiramdam. Mukhang dito sa spot na ‘to, mukhang may nakikita ‘yung mga tao dito.”
Gumamit si Ed ng dowsing rod upang matukoy ang pinanggagalingang enerhiya ng espiritu.
“Parang merong concentration ng energies dito. Possibly, dito ‘yung spot kung saan sila may nakikita or may nararamdaman. So maaaring during the curve, maaaring dito ‘yung spot na parang merong nakatayo,” sabi ni Ed.
Nang suriin na ni Ed ang video na nakunan ni Sky, reaksyon niya, “Walang responsive entities doon sa paligid eh. So merely apparition lang kasi kung entities, dapat merong physical manifestation.”
Iba't ibang komento rin ang natanggap ng video ni Sky nang i-post niya ito online. May kinilabutan, ngunit may ilang naghinala na posibleng may nananadya lang na mga tao na nananakot sa lugar.
“Wala po tayong recorded po na ganoong kuwento po within Marilaque. Natanong po nila wala pa rin po tayong as of now na official record doon po sa mga sinasabing nananakot po along Marilaque Highway po,” sabi ni Norberto Francisco E. Matienzo Jr., MDRRMO ng Tanay, Rizal.
Wala ring tala ng anumang pananakot sa lugar maging ang barangay na nakasasakop sa nasabing daan.
Paliwanag naman ni Ed, nakakaapekto ang takot sa isipan ng tao para makalikha ng imahen sa isip.
“Dito, ang naki-create dito is takot. So ‘yung takot na 'yun, enough na ‘yun para makabuo ka ng isang image sa isip mo. Every time na kung ikaw ay dadaan, imposible na hindi mo siya maiisip. So by then, magpo-project sa mind mo ‘yun,” ani Ed.-- FRJ, GMA Integrated News