Dahil sa pagtiris sa tigyawat sa kaniyang ilong, nalagay sa peligro ang buhay ng isang 17-anyos na lalaki sa Dumaguete City. Alamin kung bakit ito nangyari, at ano tinatawag na "triangle of death" sa bahagi ng mukha ng tao?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Monaliza, ina ng binatilyong si Justin, na March 25 nang tinubuan ng tigyawat sa ilong ang kaniyang inawat.
Pero nang nasagi ang tigyawat, bahagya lumaki ito at nagkaroon ng nana. Kaya nagpasya umano si Justin na tirisin ang tigyawat para lumabas ang nana at dugo.
Ngunit nasundan ito ng pananakit ng ulo ni Justin at napansin na rin na nag-iba ang kulay ng ilong ng binatilyo.
Nang hindi na tumatalab ang gamot na iniinom ni Justin, nagpasya na si Monaliza na dalhin sa ospital ang kaniyang anak. Pero hindi pa man sila umaabot sa emergency room, nahilo na ang binatilyo, nawalan ng malay, nangisay.
Ayon sa dermatologist na si Dra. Grace Carole Beltran, bihirang mangyari pero posible talagang ikamatay ng pasyente ang pagtiris ng tigyawat na tumubo sa tinatawag na "danger zone" o "triangle of death" sa mukha, na nasa bahagi ng ilong at ibabaw na bahagi ng labi.
Paliwanag ni Beltran, kapag kumalat ang impeksyon sa "triangle" dahil sa pagkakatiris sa tigyawat, madaling umabot ang impeksyon sa utak ng tao na posible niyang ikamatay.
Ayon kay Monaliza, nang suriin si Justin sa ospital, nasa noon na niya ang impeksyon at nana.
Pagkaraan ng 30 minuto matapos na mawalan ng malay, nagising na si Justin. Ayon sa binatilyo, mas maganda na ang pakiramdam niya at patuloy siyang nagpapalakas ngayon.
Wala na rin siyang nararamdamang kirot sa ulo. Pero dahil sa nangyari, sa ospital na siya nagdiwang ng kaniyang 17th birthday.
Paalala ni Beltran, bawal sa tinitigyawat ang oily at matatamis na pagkain, at stress.
Ang natutunan ni Justin sa kaniyang naging karanasan, "Huwag tirisin ang tigyawat baka ito pa ang maging dahilan ng aking pagkamatay." --FRJ, GMA Integrated News