Sa ulat ni Jun Veneracion sa Reporter’s Notebook, sinabing lumabas sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau na nasa 400 barangay sa Metro Manila ang itinuturing “highly susceptible” sa pagbaha o “flood prone.”
Pangunahing flood control project sa National Capital Region ang mga pumping station kung saan dito dapat didiretso ang tubig mula sa mga kanal, estero at iba pang daluyan ng tubig, bago ilabas sa mga ilog gaya ng Pasig River, Parañaque River, San Juan River, hanggang sa tuluyang mailabas sa Manila Bay.
Sa iba pang bahagi ng Metro Manila, dumidiretso ang tubig sa Manggahan Floodway na magdadala nito sa Laguna de Bay na nagsisilbing water reservoir.
Ngunit sinabi ng urban planner na si Arch. Paulo Alcazaren na outdated na ang waterways o mga daanan ng tubig sa Metro Manila, na may capacity na lamang na 15 mm ng tubig-baha.
Samantalang ang tubig na ibinubuhos ng ulan sa Metro Manila ngayon ay umabot na sa 85 mm.
“Kailangan talaga pantay tayo sa level ng development at naipo-project natin ‘yung level of development, type of development, complexity, ‘yung density of development, kung ilang mga housing unit sa condominium complex na ‘yan. Mula dati ‘yung lugar na ‘yan, sinusuportahan ang 20 pamilya, ngayon 2,000 na,” sabi ni Alcazaren.
Ipinakita ni Alcazaren ang ilang larawan ng Kamaynilaan noon na malinis at nagagamit pa para sa transportasyon ang mga estero o kanal nito, na kagaya sa Venice.
“Ang nangyari, inabuso natin ‘yung ating mga canal. Tinabunan ‘yung iba, ginawang real estate, at nawala ‘yung drainage system natin,” sabi ni Alcazaren.
Ayon naman kay Engr. Baltazar Melgar, Director ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office, 30 taon na ang tanda ng ilang pump sa Metro Manila bagaman gumagana pa rin. Ang iba naman ay matanda na rin at hindi na 100% ang efficiency.
Bukod sa kalumaan ng mga waterways, marami pang nakabara o obstruction, gaya na lamang ng tambak o halu-halong mga basura na makikita sa San Juan River sa Kalentong, Mandaluyong City, Estero de Magdalena sa Santa Cruz, Maynila.
Isa pa sa mga dahilan ng pagbara ng waterways ang mga nakatirang informal settlers sa gilid dito. Bukod sa mga basura, sa estero na rin ang bagsak ng mga "dumi" ng mga nakatira sa gilid ng mga ilog.
Nakasaad sa batas na dapat wala dapat na nakatayong imprastruktura o kabahayan sa anumang daanan ng tubig sa loob ng 15 to 20 metro.
Malinaw na hindi ito nasusunod sa ibang lugar sa Kamaynilaan.
Ayon kay Alcazaren, maging ang formal settlers at mga establisyimento ay nagtatapon din, at walang katumbas na parusa na nakalaan sa mga lumalabag.
Bukod pa rito, wala ring sense of civic consciousness ang mga tao, o hindi iniisip ang masamang idudulot ng pagtatapon ng basura sa kapaligiran.
Pagdating sa mga pumping station tulad ng sa Pasay, Navotas at Maynila, problema pa rin ang tambak ng basura kaya halos hindi na rin gumagalaw ang daloy ng tubig.
“Kasi ‘yung informal settlers natin nakatayo mismo on water eh. Hindi naman doon lang sa easement eh. Aside from that, ‘yung kanilang solid waste ay directly din, indiscriminately din dina-dump doon sa creek mismo,” ayon kay Melgar.
Maliban sa mga pumping station, isa sa pinakamalaking flood control project sa Metro Manila ang Blumentritt Flood Interceptor Project, na isang catchment area na sasalo sana sa tubig baha sa Quezon City at Maynila, pero hindi pa rin ito natatapos.
Isa pa sa tinutukoy ni Alcazaren na sanhi ng pagbaha ang overdevelopment sa Kamaynilaan.
“So ‘yung supply, drainage, power, kailan i-proportion sa intensity of development. ‘Yan ‘yung pagkukulang. So ‘yung local authorities, gusto nila na mas intensive ‘yung development dahil ‘yan ‘yung sign of improvement sa kanilang mga lungsod. Pero may katumbas o may kailangan na infrastructure na magsu-support,” paliwanag ni Alcazaren.
Kung kaya ayon sa kaniya, mahalaga ang koordinasyon ng mga LGU at ng rehiyon.
Payo ni Alcazaren, ang paggamit ng tinatawag na purview cement para sa mga kalsada sa Metro Manila, na puwedeng pumasok sa cistern o sa gravel bed ang tubig kapag umulan.
Sa ilalim ng Metro Manila Flood Control Management Project, uutang ang gobyerno ng Pilipinas ng $500 million sa World Bank at Asian Infrastructure Investment Bank para sa pagsasagawa ng iba't ibang proyekto para masolusyonan ang problema sa pagbaha.
Kabilang sa mga proyekto ang pagtatayo ng dam sa Upper Marikina River Catchment Area, improvement ng urban drainage, modernization ng Metro Manila pumping stations at improvement ng flood forecasting.-- FRJ, GMA Integrated News