Itinuturing na leap year ang taong 2024, na mayroon ding isang araw na dagdag sa buwan ng Pebrero kaya mayroong petsang Pebrero 29. Pero nangyayari lang ito tuwing ika-apat na taon. Bakit nga ba ganito ang sistema sa ating kalendaryo, at paano nagsimula ang paniniwala na peligrosong "mapikot" ang mga lalaki kapag leap year? Alamin.
1. May kinalaman ang leap year sa pag-ikot ng mundo.
Ayon sa Need to Know, nangyayari ang leap year kada apat na taon. Kaya naman tuwing ika-apat na taon lang nagkakaroon ng 29 sa petsa ng Pebrero.
Taliwas sa paniniwala na 24 oras ang ikot ng mundo sa isang araw, hindi. Sa halip, may kulang na apat na minuto sa pag-ikot ng mundo sa isang araw pero ginagawang kompleto na sa 24 oras ang bilang.
“Ang tunay na rotation ng mundo hindi naman 24 hours. But rather, it’s 23 hours, 56 minutes and four seconds,” paliwanag ni Engr. Mario Raymundo ng PAGASA.
“So ang ibig sabihin ‘yan, ‘yung difference na four minutes na ‘yan, pagdating ng isang buong taon sa ikot na ‘yan, i-multiply mo ‘yun, ‘yung excess na four minutes na ‘yun, it will give you one day,” dagdag ni Raymundo.
2. Nag-umpisa sa mga Romano ang leap year.
Sinabi ng eksperto na si Julius Cesar, isa sa mga pinuno ng Roman empire, ang nagpasimula ng leap year.
“Ang idea niyan ay ang ancient Egyptian, na in-adapt lang ng Roma. Kaya lamang ay mali ang kanilang paggamit noon sapagkat during that time, wala namang January, February. Ang start ng kanilang month is already at the Vernal Equinox, which is March,” sabi ni Raymundo.
Hanggang sa inayos ni Julius Cesar ang kalendaryo noon, na tinawag nilang Julian calendar.
Ayon kay Raymundo, idinagdag nila ang Enero at Pebrero, kung saan may 29 araw ang Enero.
“Pero hindi pa rin tumama ‘yan sapagkat napansin nila, hindi naman eksakto talaga na 365.25,” sabi ni Raymundo.
3. Inayos ng dating Santo Papa ang kalendaryo
Inayos ni Pope Gregory XIII ang kaguluhan sa kalendaryo na ginawa ng mga Romano noon, kaya nagkaroon ng Gregorian calendar, na siyang kinikilalang kalendaryo ngayon ng karamihan sa buong mundo.
Dahil dito, ang mga season o pag-iba ng klima ay pumapatak sa halos parehong petsa kada taon.
“Ang ginawa ni Gregory ngayon in-adjust ngayon ‘yung sa Roman calendar na ngayon ay naging Gregorian calendar na in-adjust nila ng 10 days,” sabi ni Raymundo.
4. Pinaniniwalaan ng ilang kultura ang pag-propose ng mga babae tuwing leap year.
Sa kulturang Europeo, gaya sa Ireland, may paniniwala na ang mga babae ang puwedeng manligaw o mag-propose ng kasal sa mga lalaki tuwing leap year.
Iminungkahi umano ni Saint Brigid ang paniniwalang ito kay Saint Patrick na patron ng Ireland.
“‘Yung mga babae, kahit na gustong-gusto niya ‘yung mga lalaki, hindi naman po puwede during that time. Sapagkat siyempre, very awkward ‘yun. Pero ‘yun ay, sa isang bansa noong panahon na ‘yun ay in-dapat ‘yun. Ang babae binigyan ng karapatan pagdating ng leap year, every four years na leap year na sila ang mag-o-offer ng ring,” sabi ni Raymundo.
May ganitong bersyon din sa Pilipinas na paniniwala ang mga matatanda noon.
“Ang mga pogi na lalaki ay pinag-iingat. Sapagkat leap year ngayon, ‘yung mga lahing pikutin dapat nagtatago. So ibig sabihin, in correlation doon sa paniniwala ng Europe, ‘yun ang nakuha natin,” sabi ni Raymundo.
5. Nasa limang milyong tao ang ipinanganak sa leap year
Sinabi ng mga eksperto na ang tiyansa na ipanganak sa Pebrero 29 ay humigit kumulang na 1 sa 1,461 o kabuuang bilang ng araw sa apat na taon.
“Leapling” ang tawag sa mga ipinanganak ng leap year.
Kabilang sa mga personalidad na ipinanganak sa Pebrero 29 sina American singer at actor na si Ja Rule, Prime Minister Pedro Sanchez ng Spain, dating Santo Papa na si Pope Paul III, at ang fictional character na si Superman.
“Ang problema lang kasi ng February 29 na birth date mo ay hindi nire-recognize sa system ‘yung birthdate ng February 29. Kaya minsan ang ginagawa nila, lalo ‘yung ano, ginagawa ng mga manghihilot o kaya ng mga doktor na dine-decide na nila na iniiwasan nila,” sabi ni Raymundo.
6. Walang kinalaman ang leap year sa mga sakuna
Wala umanong kaugnayan ang leap year sa mga nararanasang panahon ngayon, lalo na ang El Niño.
“Sa klima natin ay walang kinalaman ang additional day para mabago mo ang klima ng panahon,” ani Raymundo.
“It’s up to the Filipino people kung paano nila tatanggapin ang isang leap year. Pero it is a common phenomena na talagang every four years ay nangyayari. Ang kagandahan nito, wala namang mawawala na kung puwede natin talaga i-exercise ‘yung naunang paniniwala at tradisyon ng nasa ibang bansa na dito sa Pilipinas,” saad ni Raymundo. -- FRJ, GMA Integrated News