Dahil sa laki ng kaniyang tiyan na aabot sa 15 kilo ang bigat, lagi na lang nakadapa sa unan ang limang-taong-gulang na si JL na mula sa Dinas, Zamboanga del Sur. Ano nga ba ang kondisyon na nagpapahirap sa kaniyang kalagayan at may lunas pa kaya ito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng mag-asawang James at Lynie, na bata pa lang ay kapansin-pansin na raw na may kalakihan ang tiyan ni JL.
Gayunman, masigla naman ang bata at mahilig pang magsayaw. Pero kinalaunan, lalo pang lumaki ang tiyan ni JL, hanggang sa tila puputok na ito at naglalabasan na ang mga ugat.
Kasabay ng paglaki ng kaniyang tiyan, ang pagbagsak naman ng kaniyang katawan kaya mistula na siyang buto't balat.
Dahil hirap na siyang kumilos, lagi na lang siyang nakadapa sa unan, madalas na umiiyak, at hirap din matulog.
Para guminhawa kahit papaano ang kaniyang pakiramdam, pinupokpok ang kaniyang tiyan para mawala ang hangin o ang kabag.
Ayon kay Lynie, tinatanong sila kung minsan ni JL kung hanggang kailan siya sa ganoong kalagayan. At sino raw ang mag-aalaga sa kaniya kapag matanda na sila ni James.
"Minsan nasasabi namin sa Panginoon, 'Anong kasalanan namin bakit nagkaganito ang anak namin? Ano bang kasalanan namin bakit kami pinaparusahan,?'" umiiyak na nasabi ni Lynie.
Natatakot sila na baka mawala ang mahal nilang anak na si JL
Si James na pamimitas ng bunga ng niyog ang kabuhayan, masakit sa kalooban na makita ang kalagayan ng anak pero wala rin siyang magawa dahil kapos sila sa pinansiyal.
Nang maipasuri nila noon si JL sa doktor, napag-alaman na mayroon siyang "Hirschsprung's Disease." Mayroon umanong ugat sa bituka ni JL ang hindi na-develop mula sa kaniyang pagkabata.
Dahil dito, hindi niya nailalabas ang kaniyang dumi kaya lumalaki ang kaniyang bituka at nagkakahangin sa kaniyang tiyan.
Nang muling dalhin si JL sa duktor, inirekomenda na isailalim ang bata sa operasyon. Kaya naman humingi ng tulong sina Lynie at James sa mga may makabuting kalooban para maipagamot ang kanilang anak. Tunghayan sa video ang buong kuwento.
Para sa mga nais tumulong kay JL, maaaring magpadala sa:
LANDBANK - PAGADIAN BRANCH
Account Name: JAMES G. BIAD
Account Number: SA 0526 4833 08
-- FRJ, GMA Integrated News