Marami ang nabubuong relasyon kahit sa online lang nagkakausap o nagkikita. Sa ganitong sitwasyon, maituturing na bang kabit ang isang tao kahit nakaka-text o naka-chat lang ng kaulayaw?
“I'm not sure kung lahat ay sasang-ayon pero kung ako ang tatunungin ninyo, ‘pag sinabing kabit, ito ay ‘yung mga taong nakikipagrelasyon, nakikiapid, nakikipagtalik sa isang taong hindi nila legal na asawa,” sabi ni Atty. Gaby Concepcion sa #AskAttyGaby sa GMA's Unang Hirit.
Dagdag pa ni Atty. Concepcion, hindi “gender-specific” ang pagiging kabit, kulasisi, “number two” o “taksil,” dahil maaari itong maging babae o lalaki.
“Ang definition na ito [ng kabit], para sa akin ay may element na pakikiapid o pakikipagtalik. Kung text mates o chat mates lamang kayo, hindi ito pasok sa definition natin ng kabit,” sabi niya.
Para sa iba, ang magmahal o pagkakaroon ng emosyon sa iba na bukod sa kaniyang kabiyak ay maituturing nang pagtataksil.
Ngunit sinabi ni Atty. Concepcion na walang batas na nagpaparusa sa isang tao na “falling in love with someone else,” pero pinaparusahan sa batas ang “sexual infidelity.”
Paano naman kung ang isang tao ay napagbintangan at ipinagkalat na kabit dahil magkasama lang sila sa larawan?
Ayon kay Atty. Concepcion, ia ilalim ng batas, kung hindi totoo ang bintang at ipinagkalat pa, maaari itong maging isang uri ng paninirang-puri at maaaring maging kasong kriminal.
Kung spoken o sinabi sa harap ng ibang tao, maaari itong maging kaso ng oral defamation o slander.
Kung ito naman ay isinulat o inanunsyo sa Facebook o anumang uri ng social media, maaari itong isang uri ng libelo.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, krimen na adultery kung mangangaliwa o makikipagtalik ang isang babae na kasal na sa isang lalaki na hindi niya asawa.
Maaaring makasuhan ang kalaguyo na lalaki kung alam niyang may asawa pala ang babaeng kaniyang karelasyon.
Sa adultery, maaaring makulong ng hanggang anim na taon ang babaeng nangaliwa at ang kanyang kabit na lalaki.
Kung ang isang lalaking may asawa naman ay nakipagtalik sa isang babae na hindi niya asawa, maaari siyang kasuhan ng concubinage.
Sa ilalim ng concubinage, kailangang nagsasama o “living together” bilang mag-asawa na lantad sa publiko ang lalaking may asawa at ang kaniyang kabit.
Bukod dito, puwede ring mahuli na nagtatalik sa conjugal dwelling ang nagtataksil o kaya naman ay “under scandalous circumstances” ang relasyon ng dalawa.
Kaya kung very discreet ang lalaki at patago na ibinabahay ang kaniyang kabit at binibisita lamang from time to time, sinabi ni Atty. Concepcion na walang krimen na nagagawa ang lalaki sa mata ng nabanggit na batas, maliban na lang kung mapapatunayan sa ibang paraan.
Ngunit kung magiging guilty sa concubinage,maaaring maparusahan ang lalaki ng kulong na anim na buwan at isang araw hanggang apat na taon at dalawang buwan.
Gayunman, hindi makukulong ang kabit ng lalaki, kundi parurusahan ng “Destierro” na pagbabawalan lamang ang kabit na pumunta sa mga lugar na nakasaad sa court order na hindi hihigit sa 250 kilometro, at hindi kukulang sa 25 kilometro. Panooring ang buong talakayan.-- FRJ, GMA Integrated News