Dahil sa pagiging introvert at mahilig sa Japanese culture at ramen, pinasok ng isang lalaki ang ramen business na mayroong cubicle para sa mga gustong mag-solo habang kumakain. Ang negosyo, kumikita na ng anim na digits kada buwan.

Sa programang "Pera Paraan," itinampok ang Japanese restaurant na Ramen Wave na pagmamay-ari ni Vincent Trinidad.

Isang artist na introverted si Trinidad at palaging mag-isang nagdo-drawing sa kanilang bahay. Kaya naman hindi naging mahirap para sa kaniya noong magka-pandemic na may mga harang ang mga kainan.

“Noong nagbukas po kami, so naisipan ko po ‘yung may mga harang po ‘yung kada kakain. Kasi minsan po ako, ‘pag kakain po ako sa restaurant, minsan ‘yung katabi ko, nako-conscious ako. ‘Yung siko niya, nasa mukha ko niya,” kuwento ni Trinidad.

Dahil may malapit na commercial area sa kanilang bahay, nag-isip si Trinidad kung ano ang kaniyang passion na puwede niyang gawing negosyo.

“Mahilig po ako sa ramen talaga. Lahat po ng artworks ko, lahat po ng mga dino-drawing ko, ramen po. Obsessed po ako sa ramen ng panahon na ‘yun,” saad niya.

Bukod dito, nakapagbiyahe rin siya sa Japan at naging interesado sa kultura ng mga Japanese.

Taong 2021 nang buksan ni Trinidad ang kaniyang negosyo, at nagsimula lamang sa walong focused cubicles, at walong tao lang ang maaaring kumain.

Pumatok ito at ginawan pa ng content ng vloggers kaya sila nag-viral. Kalaunan, naging dalawang oras na ang kanilang waiting time at dinadayo pa ng mga taga-Tagaytay.

May dalawang branch na ngayon ang kainan ni Trinidad na makikita sa Marikina at Pasig.

Bukod sa ramen, maaari ding mag-order ang ibang putahe gaya ng tempura, gyoza, at chicken karaage.

Inilahad ni Trinidad ang mas malalim pa na dahilan kung bakit siya nagtayo ng negosyo. Nabigyan nito ng trabaho ang kaniyang ate na isang PWD.

“Pito kami magkakapatid eh. Ang mommy ko maagang nawala. Medyo ako ‘yung parang nasa posisyon na tumulong. Promise ko sa mommy ko ‘yun. Nu’ng nawala siya, parang naging mission ko nang makatulong. Sinuwerte,” emosyonal na sabi ni Trinidad.

Kadalasan silang nakakabenta ng 100 bowls kada araw at kumikita ng anim na figures kada buwan.

“Dapat meron ka ring mission na hindi lang po ‘pag nagtayo ka ng business, hindi lang basta kita, pera," sabi ni Trinidad.-- FRJ, GMA Integrated News