Nagbunga ang pagsisikap at tiyaga ng isang 21-anyos na GenZ, na pumasok sa negosyong lenchon belly na kinalaunan ay nalinya na rin sa kutsinilyo. Mula sa puhunan na P3,000 at isang turbo oven, ngayon ay kumikita na siya ng six digits kada buwan. Tuklasin ang payo niya sa mga kabataan na nais ding magnegosyo.

Sa programang "Pera Paraan," sinabi ng second year college student na si JC Vergara ng Pampanga, na 19-anyos siya nang simulan niya ang pagnenegosyo.

"Para sa akin po, mas maganda po na mas bata kasi marami pa po tayong time. Puwede pa po tayong mag-fail. Kunwari, pagka matanda ka na, may anak ka na, paano kung nagsimula ka nang mag-business tapos nag-fail? Wala kang resbak," sabi ni Vergara.

Malaki ang pasasalamat ni Vergara sa kaniyang magulang na kaniyang masasandalan kung sakali mang pumalya ang kaniyang negosyo.

Nagsimula si Vergara sa pagbebenta ng karne sa harapan ng kanilang bahay. Dahil may sobra o natitirang liempo sa kaniyang tinda, sinubukan niya itong gawing lechon belly.

Gaya ng ibang negosyo, hindi naman naging madali ang lahat para sa negosyanteng bagets. Dumanas siya ng mga pagsubok at marami rin muna siyang nasunog at nasayang na mga baboy bago niya nakuha ang tamang timpla at tamang luto bago niya inilako ang kaniyang produkto.

"Sinimulan ko po siya 2021 February po. Nag-online class pa po ko noon. Habang nag-aaral sa laptop tapos nagluluto din po ako. 'Yung pinakamahirap po na part doon nu'ng nagsisimula ako, gigising po ako ng 1 a.m. para mamalengke tapos magluluto po ako. Tapos, magdi-deliver. Halos ako lang po lahat talaga," anang binata.

Mula sa iisang turbo oven, ngayon, mayroon na siyang limang industrial oven. Nakapagpundar na rin siya ng sariling piggery at may 20 tao na nabibigyan ng trabaho.

Gumagamit si Vergara ng mga native na baboy na dalawa hanggang tatlong buwan ang edad para malambot at malasa pa. Pagkaraan lamang ng tatlong oras, luto na ang kutsinilyo.

Ayon kay Vergara, nagiging triple ang kaniyang kita kapag may mga okasyon gaya ng Pasko.

"Challenging po doon kasi bata po ako. 'Yung ibang tao nagda-doubt sa akin. Kasi bata pa lang ako, bakit ako nag-business, mag-aral na lang daw ako. 'Yung na-realize ko lang po doon is 'yung konti lang po 'yung magsu-support sa'yo sa una. Pero sa huli, marami pong magko-congrats 'pag successful ka na," saad niya.

Inilahad ni Vergara ang kaniyang sikreto kung paano niya napagsasabay ang negosyo at pag-aaral.

"Para sa akin po 'yung pinakamahalaga po na system is time management. 'Yung schedule ko po umaga, pupunta po ako ng farm. Tapos mga afternoon po pupunta po ako sa litsunan. Tapos afternoon po hanggang gabi, mag-aaral na po. Bago po matulog, ipa-plans ko na po kung ano po 'yung gagawin ko kinabukasan," paliwanag niya.

"Huwag po silang ma-discourage and tuloy-tuloy lang po nila 'yung ginagawa nila. And mag-focus po sila dun sa goal nila and develop po nila 'yung mindset ng pagiging entrepreneur," payo ni Vergara sa mga kapwa niya batang negosyante. -- FRJ, GMA Integrated News