Pinabulaanan ng South Korean actor na si Kim Soo Hyun ang mga paratang na nakipag-date siya sa aktres na si Kim Sae Ron habang menor de edad pa ang huli. Naging emosyon ang aktor nang sabihin na hindi niya kayang aminin ang hindi totoo.

Dahil sa kinasangkutang kontrobersiya tungkol sa 24-anyos na si Kim Sae Ron, na natagpuang patay noong Pebrero na hinihinalang suicide case, itinigil ng ilang brands--gaya ng Prada--ang pakikipag-ugnayan sa 37-anyos na aktor.

Ayon kay Kim, limang taon na ang nakararaas nang naka-date niya ng isang taon si Kim Sae Ron, at hindi na umano underage noon ang aktres.

Sinabi rin ni Kim na ang expose sa isang YouTube na inilabas kamakailan ay naglalaman umano ng mga testimonya at ebidensyang hindi totoo. Kabilang na ang mga screenshot ng mga mensahe na hindi maaaring magmula sa aktres.

July 2000 nang isilang si Kim Sae Ron, at 16-anyos ang age of consent sa South Korea.

"I did not date the deceased when she was a minor. And it is also not true that the deceased made a tragic choice because of me turning a blind eye," sabi ni Kim sa isang press conference nitong Lunes, patungkol sa mga espekulasyon na may kinalaman ang naturang relasyon nila sa ginawa ng aktres.

Sinabi ng mga abogado na kumakatawan kay Kim Soo Hyun, at sa agency nito, na nagsampa sila ng kaso laban sa mga taong sangkot sa YouTube expose, para sa kabuuang halagang 12 bilyong won (mga $8.15 milyon) bilang danyos, at ini-report sila sa mga awtoridad dahil sa paninirang-puri at paglabag sa Information Protection Act.

Hindi naman agad makontak ang abogado na kumakatawan sa mga kamag-anak ni Kim Sae Ron para mahingan ng pahayag.

Isa sa mga pinaka-promising actress si Kim Sae Ron sa South Korea subalit naapektuhan ang kaniyang karera matapos ang isang insidente ng pagmamaneho ng lasing noong 2022.

Sumikat si Kim Soo Hyun sa South Korea at China dahil sa kaniyang papel sa mga hit drama series gaya ng "My Love from the Star" at "Queen of Tears." — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News