Sa programang "Pinoy MD," ipinakita ang isang batang babae na walang tigil sa pag-iyak matapos matusok ng tinik ng isda sa lalamunan. Ligtas nga bang palunukin ng binulog na kanin o saging ang batang natinik? Alamin.
Kuwento ni Jomark Sigua, ama ng batang si Janilia na walang tigil sa pag-iyak matapos matinik, na sadyang paborito raw ng kaniyang anak ang isda.
Nang araw na mangyari ang insidente, nagluto siya ng hito na pinagsaluhan nilang mag-anak. Hinihimayan daw nila ng isda si Janilia para hindi ito makakain ng tinik.
Pero nang tapos na silang kumain, hindi raw nila namalayan na kumain muli ng hito na mag-isa si Janilia at doon na natinik ang bata.
Sa video makikita si Janilia na todo sa pag-iyak habang hawak ang lalamunan dahil may nararamdaman daw siyang tumutusok sa kaniyang lalamunan.
Natatakot ang bata na baka ikamatay niya ito.
Pilit naman pinapakalma ni Jomark ang anak. Binigyan niya ito ng tubig at pinainom sa pag-asang matanggal ang tinik sa pagkakatusok.
Pero nang hindi nawala ang tinik, binigyan naman ni Jomark ng binilog na kanin ang anak at kaagad na pinalunok sa halip na nguyain pa.
"Bata pa lang din naman kami, kahit hanggang ngayon, kapag natinik kami, kahit malalaki na kami, ang ginagawa namin, magbibilog kami ng kanin tapos isusubo namin, ilulunok agad 'yon, hindi na ngunguyain. Ang paniwala kasi, sasama na yung tinik doon," paliwanag niya.
Nang hindi pa rin nawawala ang nakatusok sa lalamunan ni Janilia, binigyan naman ni Jomark ng hinog na saging ang anak at pinakain uli.
Ayon kay Dr. Dominador Garduño III, ENT specialist, may mga tinik na puwedeng matanggal sa pag-inom ng tubig.
"May ibang natitinik pero hindi actually tumusok, parang dumikit lang," saad niya. "Mararamdaman mo siyang nandoon lang pero ayaw matanggal.
Sa ganoong sitwasyon, kaya raw maalis sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig ang tinik.
Ngunit kung nakabaon ang tinik, sinabi ni Garduño na maaaring makasama sa halip na makatulong ang pagpapalunok ng kanin o saging.
May posibilidad daw kasi na baka lalong madiinan ang tinik sa pagkakabaon sa halip na matangay o maalis.
Paliwanag ni Garduño, malaki ang tonsil ng mga bata at posibleng dito lang nakatusok ang tinik.
"Madalas sa kanila sa tonsil lang tumutusok, so kung kita mo naman ang tinik ang you have an instrument na kayang dukutin 'yon. Kung hindi naman kaya, dalhin na lang sa ospital," payo niya.
Paalala pa ni Garduño, maging maingat sa pagibibigay ng pang-unang lunas sa mga natinik sa lalamutan. Mas mainam pa rin na magpatingin sa duktor lalo na kung malaki ang tinik ng isda na nalunok.
Kung hindi umano maaalis ang tinik na nakatusok sa lalamunan, maaari itong pagmulan ng impeksyon.
Pero naalis kaya ang tinik sa lalamunan ni Janilia matapos siyang pakainin ng saging? Alamin sa video na ito ng "Pinoy MD."-- FRJ, GMA Integrated News