Nangati, namula at nagtubig-tubig ang kamay ng isang ginang matapos niyang mahawakan ang makamandag na dagta ng kaniyang halaman sa Bulacan. Ang aso naman ng isang fur parent, namatay nang ngatngatin ang tangkay nito. Alamin kung anong halaman ito na may tila karayom na kristal na nagdudulot ng pagka-irita ng balat.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na naospital ang si “Nelia,” hindi niya tunay na pangalan, matapos niyang mahawakan ang dagta ng kaniyang halaman.
Ang asawa at anak niya na lamang ang pumayag na makapanayam sa kondisyong itatago ang kanilang mukha.
Ayon sa mister ni Nelia na si “Joey,” hindi niya rin tunay na pangalan, napansin ni Nelia na naputol ang halaman matapos itong ngatngatin ng aso. Dahil nanghinayang, inilipat ito ni Nelia sa ibang paso ngunit nahawakan niya ang dagta nito.
Doon na nag-umpisang mamula ang kamay ni Nelia, hanggang sa kumati, humapdi at nagtubig-tubig. Kalaunan, dinala siya sa ospital.
Nang suriin, natuklasang nagkaroon ng severe irritant contact dermatitis si Neila. Inirekomenda siyang dalhin sa isang infectious diseases specialist para matukoy ang dahilan ng blisters sa kaniyang mga kamay.
“Para kang nag-alaga ng isang tao, ‘yun pala ahas. Hazardous siya sa oras na ginalaw mo siya,” sabi ng mister ni Nelia.
Ang salarin, ang halaman na Dieffenbachia o kilala rin bilang "dumb cane plant."
Paliwanag ng botanist na si Wally Suarez, ang Dieffenbachia ay miyembro ng aroid family o pamilya ng mga Gabi na hindi “native” kundi nanggaling sa tropical America.
Napakabagsik ng dagta ng Dieffenbachia dahil meron itong tila karayom na Calcium Oxalate Crystals o Raphides, na may kakayahang pumunit at mag-irritate sa tissues ng bibig at mata.
Sinabi ni Suarez na kung didikit sa balat, ang Calcium Oxalate ay magdudulot ng pamamantal o welting. Kapag naman nadilaan, mamamaga rin ito at mahaharang nito ang daanan ng hangin.
“Kaya nga tinawag sila na ‘dumb cane’ sa Ingles. Kasi if you put this inside your mouth, hindi ka makakapagsalita. Magkakaroon ng pamamaga sa mata due to irritation. Possible ang temporary blindness,” anang botanist.
Si Faye Michelle Bedania naman, nangati at namula rin ang palad matapos punasan ang alikabok sa kaniyang dumb cane plant at mahawakan ang dagta nito.
“Tusok-tusok, para siyang maliliit na tinik or needle. Parang napaso ‘yung hitsura niya,” sabi ni Bedania.
Humupa naman ang pagkairita sa kamay ni Bedania makalipas ang 24 oras nang hugasan niya ito nang paulit-ulit.
Ipinagdadalamhati naman ng fur parent na si Veronica Diate ang pagkamatay ng kaniyang aso na si Kenny, matapos nitong ngatngatin ang display nilang dumb cane plant sa bahay.
Nang matagpuan niya ang kaniyang alagang aso, nakita niya sa bibig nito ang mga piraso ng tangkay ng Dieffenbachia. Kalaunan, nairita at namaga ang bibig nito.
Nanghihina na, uhaw na uhaw din ang aso kaya pinainom nila ito ng tubig gamit ang hiringgilya. Sa kasawiang palad, pumanaw si Kenny bago pa nila ito madala sa beterinaryo.
Sa sobrang sama ng loob ni Diate, sinunog nila ang mga alagang Dieffenbachia.
“Devastated ako noon. Traumatic siya na experience para sa akin,” sabi ni Diate.
Ano ang mga dapat gawin kapag nakahawak o nakasubo ng dagta ng Dieffenbachia, at ano ang mga paraan para hindi ito makapagdulot ng aksidente? Panoorin ang kabuung ulat sa video na ito ng “KMJS.” -- FRJ, GMA Integrated News