Sa isang palengke sa Bohol unang nakita ng isang research assistant ang pinakabagong marine species sa mundo na isang isda na tinawag na Iniistius Bakunawa. Ang pangalan nito, hango mula sa Visayan mythical creature na "dragon na kumakain ng buwan." Alamin kung bakit.

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing unang nakita ng research assistant na si Kent Sorgon ang  Iniistius bakunawa sa Loay Public Market sa Bohol noong 2018.

"We spotted a unique-looking fish. At that time, hindi namin alam kung ano exactly 'yon pero we collected it," kuwento niya.

Ayon sa mga residente, matagal na raw na ibinebenta at kinakain doon ang naturang uri ng isda.

Napagtanto nina Kent na hindi pa naisasalarawan ang naturang isda at wala pang pormal na pangalan o scientific name.

"Ang ginawa namin, nag-contact ng mga museums from US and Japan. We also had the collaborative efforts from the people of UP Mindanao and Mindanao State U," sabi pa ni Kent.

Ang Iniistius bakunawa ay karaniwang tinatawag na eclipse-spot razor wrasse.

Ayon kay Kuya Kim, ang mga wrasse ang isa sa mga pinakamarami at pinakamakulay na mga isda na makikita sa tropical reefs.

Tinatawag din itong razor wrasse, cleaver wrasse, at razorfish.

Sa Pilipinas, tinatawag itong mameng or napoleon.

Ang pinakaiba umano ng Iniistius bakunawa sa ibang wrasse ay ang flat nitong katawan ay may kulay na pale yellowish at jade-green.

Makikita rin ang blue at orange metallic spots sa dorsal fin nito, at yellowish-green color sa anteromedial portion sa katawan na nasa likod ng pectoral fin.

Ang naturang isda ay nakatira sa mabuhangin at grassy area na malayo sa coral reefs. Kaya nitong lumaki ng hanggang 6.8 inches.

Ayon kay Kuya Kim, inilagay ang "bakunawa" sa pangalan ng isda dahil sa itim at puting marking sa dorsal fin nito na parang nangyayari ang eclipse ng buwan.

Hango ito sa Visayan mythical creature na Bakunawa, o ang tila ahas na dragon na kumakain ng buwan kaya umano nagkakaroon ng eclipse.—FRJ, GMA Integrated News