Masarap man sa pakiramdam, posible pala na magdulot ng problema ang maling paraan ng paglilinis ng tainga gamit ang cotton swabs. Naitutulak kasi nito paloob ang tutuli na kinalaunan ay maaaring tumigas at makaapekto sa pandinig. Ang isa sa mga solusyon, ear irrigation o paggamit ng tubig para maalis ang nabuong wax.
Sa programang “Pinoy MD,” ipinakilala ang 6-anyos na si Aya, na kinailangang sumailalim sa ear irrigation matapos mamuo ang kaniyang earwax.
Ayon kay Sgt. Clarissa Parajas ng Philippine Army, ina ni Aya, lagi niyang nililinis ang tainga ng anak gamit ang cotton swabs.
Hanggang sa isang araw, nagtaka siya nang mapansin na humina ang pandinig ni Aya, dahil hindi ito tumutugon kapag kaniyang tinatawag.
Hindi naman nagrereklamo ng pananakit ang bata, ngunit sinabi nito na tila may nakabara sa kaniyang tainga. At nang silipin ang tainga ng bata, nakita ni Clarissa ang namuong ear wax o tutuli na tila bato.
Ngunit mas kinabahan siya nang dumugo ang tainga ng bata nang galawin niya ito. Kaya nagpasya siya na dalhin na si Aya sa ospital.
Nang ipatingin ang bata sa ear, nose and throat (ENT) specialist na si Dr. Leo Manabat, nakita na nagkaroon ng impacted cerumen o pagbara ng namuong tutuli sa tainga ni Aya.
Ikinagulat ni Clarissa nang malaman niya na posibleng dahil ito sa madalas na paggamit niya ng cotton swabs sa paglilinis sa tainga ni Aya.
Paliwanag ni Dr. Manaba, kapag araw-araw na ginagamit ang cotton buds, natutulak nito ang ear wax papunta sa loob kaya naiipon, tumitigas at nagiging impacted cerumen.
Sa prosesong ear irrigation, ginagamitan ito ng tubig na may kaunting pressure para mahugasan at mapalambot ang namuong wax.
Ang tutuli ang siyang humaharang ng mga dumi gaya ng alikabok para hindi ito makapasok sa loob ng tainga, kaya naiiwasan ang build-up ng bacteria at mold sa tainga.
Bukod dito, may pagka-acidic din ang wax ng tainga kaya hindi ito tinutubuan ng mga amag at mga bad bacteria.
Kaya payo ng doktor, huwag gawing araw-araw ang paglilinis ng tainga, kundi isa o dalawang beses lang sa isang linggo.
Kabaligtaran naman ang nangyari sa 61-anyos na si Aling Susan McClintock-Paz, na anim na taon na mula noong huli siyang magpalinis ng tainga sa isang ENT specialist.
Humina ang pandinig ni Aling Susan at tila may umuugong na tunog sa kaniyang tainga.
Sumailalim din si Aling Susan sa ear irrigation, ngunit hindi pa rin nakuha ang tutuli dahil sa sobrang tigas na nito sa tagal ng panahon. Kaya naman inalis na ang kaniyang tutuli sa mano-manong paraan gamit ang ear spoon.
Ayon sa duktor, puwedeng magpa-ear irrigation ang bata at matanda. Umaabot umano ang presyo nito sa P1,200 hanggang P3,000 para sa dalawang tainga. -- FRJ, GMA Integrated News