Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol na isinilang na kulang sa buwan sa isang ospital sa Nueva Ecija. Ayon sa ina ng bata, nangitim ang kamay at braso ng kaniyang baby dahil sa maling pagkakalagay ng suwero at kinalaunan ay kinailangang putulin. Pero ang ospital, hindi raw inaamin na may nangyaring kapabayaan.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa "Dapat Alam Mo," sinabi ni Kim Simbulan, 20-anyos, na pitong buwan pa lang sa kaniyang sinapupunan si Baby Joaquin nang kaniya itong iluwal noong Hulyo 17 sa Cabanatuan.
Kaya naman kailangan ilagay sa neonatal intensive care unit (NICU) ng ospital ang sanggol. Nitong Agosto 11, sinabihan siya ng staff ng ospital na ililipat ang suwero ng kaniyang anak.
Pero matapos na ilipat ang suwero sa braso ng sanggol, sinabi ni Kim na napansin na niya na mayroon backflow sa suwero. Gayunman, ipinaliwanag daw sa kaniya ng mga duktor na normal lang daw na nangyayari iyon.
"Pero nung time na yon parang iba po talaga yung pakiramdam ko kasi hinawakan ko po yung kamay ni Baby. Medyo malamig na po siya saka maputla na po," ayon kay Kim.
Inabot daw ng halos isang oras bago naayos ng nurse ang suwero ng sanggol na inilagay sa leeg. Habang ang braso at kamay ng sanggol na namutla at lumamig, pinainitan lang sa pamamagitan ng pagtapat sa ilaw.
Kinabukasan, sa halip na bumuti ang lagay ng braso ng sanggol, nagkaroon umano ito ng mga pasa hanggang sa tuluyang nangitim.
Sabi ni Kim, nang panahon na iyon, dalawa o tatlong araw na walang lumalapit sa kanilang duktor o nurse para magpaliwanag kung ano ang nangyari sa braso ng kanilang anak.
"Yung daliri niya po tumigas, parang naagnas na po yung mga daliri niya", ayon kay Kim.
Hanggang nitong August 17, isang buwan matapos isilang ang sanggol, sinabihan umano sila ng mga duktor na ang solusyon sa nangingitim na braso ng kanilang anak ay putulin na ito.
"Kapag inilipat daw po namin si Baby ganun din daw po yung mga duktor po sa ibang ospital," sabi ni Kim.
Ayon sa ulat, ilang beses na sinubukan ng programang "Dapat Alam Mo" na hingan ng panig ang ospital pero tumanggi umano ang pamunuan nito na makapanayam o maglabas ng opisyal na pahayag.
Nitong Agosto 29, sinabi ni Kim na nagkaroon sila ng pakikipagpulong sa mga opisyal ng ospital pero wala raw indikasyon ang pamunuan na aminin na nagkaroon sila ng kapabayaan.
"Gusto po talaga naming magsampa ng reklamo [laban] sa kanila. Hindi po nila inaamin, parang naiiba po yung usapan. Since premature nga daw po si Baby mga ganyan-ganyan," saad ni Kim.
"Yung pag-ako po na sila po yung may kasalanan, wala po silang binabanggit," dagdag niya.
Ayon sa isang abogado, sakaling ituloy ni Kim ang pagsasampa ng kaso laban sa ospital at mapatunayang nagkaroon nga ng kapabayaan sa pag-asikaso sa sanggol ay maaaring maharap sa patong-patong na parusa ang ospital.
Tunghayan sa video ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News