Nalagay sa peligro ang buhay ng isang pamilya matapos na mapunta sa sirang tulay ang sinasakyan nilang SUV sa Gandara, Samar, at muntik nang mahulog sa ilog. Ang hinala ng iba, baka nakita ng driver ang maalamat at misteryosong siyudad ng "Biringan." Bakit nga ba sila napunta sa sirang tulay? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita ang larawan ng SUV na wala na sa tulay ang dalawang unahang gulong.

Ayon sa mga kumalat na kuwento, hindi lang basta naligaw ang mga sakay ng mga sasakyan bagkos ay posibleng may kababalaghang nangyari na nagdala sa kanila sa lugar.

“‘Yung kuwento ng driver sabi nakita nila maliwanag ‘yung kalsada tapos may malaking building. Wala naman diyang building. Bakit magkakaroon ng malalaking building? At saka maliwanag na gabing-gabi?” sabi ng isang ginang na nakarinig sa pangyayari.

Ang tulay na dinaanan ng SUV sa Gandara, na matagal na ring laman ng mga kuwentong bayan. Nagsisilbi umano itong daan o portal papunta sa maalamat na "Lost City of Biringan."

Batay sa mga kuwento, napakagandang lungsod ang Biringan at mayroong nagtataasang gusali at ubod ng liwanag. May mga engkanto umanong nakatira dito.

Hindi lang ito ang unang pagkakataon na may nangyaring aksidente sa ilog ng Gandara. Noong Hulyo 13, kamuntikan ring mahulog ang isang pickup truck sa kabilang dako ng tulay.

Ang tulay ng Gandara ang nagdudugtong sa bayan ng Gandara at Catbalogan City. Nasira ito noong 2021 kaya nagtataka ang mga residente kung papaano nakarating doon ang SUV kahit may barikada.

Natunton at nakapanayam ng "KMJS" team ang mga sakay ng SUV sa Trece Martirez, Cavite.

Ang 73-anyos na si Jesus Isok ang nagmaneho ng SUV,  sakay ang kaniyang asawa na si Prosepisa, anak na si Fritzie Marie Santos at kaibigang si Raquel Marie De Leon.

May inihatid umano silang kaibigan sa Bicol, at nagkayayaan na mag-road trip sa Samar para mapuntahan ang San Juanico Bridge.

Ayon sa mag-asawa, maganda at tuloy-tuloy naman ang kanilang takbo, ngunit pagkarating sa Samar, maraming ginagawang kalsada ngunit walang mga tao.

Gabi na nang mapadaan ang pamilya sa bayan ng Gandara. Bukod sa madilim, makapal din umano ang hamog kaya halos wala silang makita sa daan.

Kaya umasa na lang umano sina Jesus sa direksyon na itinuturo ng digital map sa kanilang cellphones para hindi sila maligaw.

“Sa sobrang kapal ng fog, hindi talaga makita. Eh ‘di nag-stop si tatay, ‘Tama naman, nasa digital map eh, diretsuhin na lang natin,’” sabi ni Racquel.

Hanggang sa nangyari na ang hindi nila inaasahan.

“Pagka-diretso namin, 20 meters lang ‘yan, bigla kaming bumagsak, hanggang pumreno,” sabi ni Racquel.

“Pagkanan ko roon, wala akong nakitang harang, walang bawal. Nagtaka ako pagdating sa dulo parang lubak-lubak na masyado kaya naprenuhan ko na,” sabi ni Jesus.

Doon na nila nadiskubre na malalaglag na pala ang dalawang unahang gulong ng kanilang sasakyan sa putol na tulay.

Sa kabutihang palad, rumesponde ang mga residente sa lugar at agad silang nasaklolohan.

Si Fritzie, nasabing baka mayroong "talagang entity siguro roon.”

Ngunit ang driver na si Tatay Jose, ang kawalan ng harang ang dahilan kaya siya napasok sa sirang tulay.

“Hindi naman ako naniniwala riyan [na may entity]. Walang harang eh. Kung gumamit ka ng digital map, mapapasok ka talaga roon kasi hindi pa na-update yata ‘yun. Bakit ba nandoon?” sabi ni Jose.

Aminado naman ang lokal na pamahalaan may signages na “no entry” sa bungad ng tulad ngunit may kumukuha umano ng mga bakal na nagsisilbing harang.

At nang dumaan ang SUV, nataon na walang harang sa tulay. Kaya naman nilagyan muli ng harang ang tulay na nakahinang na para hindi na basta-basta matatanggal.

Ang pick-up truck na muntik na ring mahulog sa tulay sa kabilang bahagi, napag-alaman na sinunod din ang digital map. Panoorin sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News