Isang magbayaw sa Mariveles, Bataan ang nasawi matapos nilang gawing pulutan ang isang cane toad o karag. Ano nga ba ang lasong taglay nito kaya hindi dapat kainin? Alamin.
Sa programang “Born To Be Wild,” binisita ni Dr. Nielsen Donato ang lugar ng magbayaw na pumanaw na sina Charlie at Dennis sa Mariveles.
Nag-iinuman umano ang dalawa nang makakita ng karag. Hinuli nila ito at ginawang pulutan.
“Nakita ko nga po ‘yung pinaghiwaan nila, ‘yung nguso lang ‘yung tinanggal tsaka ‘yung balat,” sabi ni Severina Caballero, ina ng isa sa mga biktima.
Ayon kay Caballero, nakita na lama niya na namimilipit sa sakit ng tiyan ng mga biktima at nakahiga na sa lupa.
“Ang sabi niya, ‘Saklolo, dalhin niyo kami sa ospital kasi kumain kami ng karag. Noong dumating po ‘yung asawa ko, sabi ‘Magbihis ka Ma. Patay na ‘yung anak mo.’ Nauna pa ngang mamatay ‘yung anak ko,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Caballero.
Sa katabing barangay, nakakita ng karag si Doc Nielsen na sinasabing kasinglaki rin ng karag na kinain ng mga biktima.
Kapansin-pansin na bukol-bukol at tila magaspang ang balat nito, kumpara sa ibang uri ng palaka na makinis at makintab.
Ipinakita ni Doc Nielsen, kung saan parte ng katawan matatagpuan ang lason ng mga karag. Nagmumula ang lason sa parotid gland ng palaka, o ang nakaumbok na balat sa kanilang likuran.
Posible umanong nakain nina Charlie at Dennis ang naturang bahagi kaya sila nalason at nasawi.
Paliwanag ni Doc Nielsen, kapag kinagat o nadiinan ng isang predator ang nakaumbok na balat ng karag, lalabas ang puting tila gatas na substance dito na tinatawag na Bufotoxins.
Ito ang lason na umaatake sa puso ng sinomang makakakain nito na nagiging sanhi ng pagkamatay.
Kaya payo ni Doc Nielsen, kaagad na pumunta sa ospital o health facility kung sakaling nakakain ng karag para mabigyan ng first aid at mabantayan ang sintomas.
Masdan ang hitsura ng Bufotoxins sa buong ulat ng Born to be Wild. -- FRJ, GMA Integrated News