Hindi lang pala sa pagsayaw mahusay ang lalaking nag-viral ang video nang mahulog ang kaniyang pustiso habang sumasabak sa dance competition sa Dinagat Island.

Sa isang episode ng “Good News,” ipinakita ang hataw na pagsasayaw ng grupo ni Bryan Jay Ishioka habang sumasabak sa kauna-unahang dance competition sa lugar.

Ngunit sa gitna ng kanilang pagsasayaw, nahulog ang pustiso ni Bryan. Kinagiliwan naman online ang kaniyang “jaw-dropping” move.

Si Bryan na hindi na inasahang magba-viral ang kaniyang video, sinabing kinabahan sa nangyari dahil baka matalo sila sa kompetisyon.

“Sobrang nagulat po ako dahil hindi ko inaasahan ‘yun eh. Humanap ako ng paraan kung paano pulutin [yung pustiso],” sabi ni Bryan.

“Hindi puwedeng maapakan, mahal eh,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Bryan, sa loob ng anim na buwan niyang nakapustiso at sa 10 taon niyang pagsasayaw, ito ang unang pagkakataon na nahulog ang kaniyang pustiso sa kompetisyon.

“First time talaga ‘yun sa sayaw namin. May mga nalaglag muna pero sinasadya ko lang para matawa ‘yung mga kasama ko,” sabi ni Bryan.

Balewala naman kay Bryan na nalaglag ang kaniyang pustiso sa likod ng pagtatanghal dahil ang mahalaga para sa kaniya ay marami siyang napatawa at napasaya.

Pero bukod sa husay sa pagsasayaw, mahusay rin sa pakikipagkapuwa-tao si Bryan. Isa siyang volunteer at tumutulong sa tuwing may kalamidad sa kanilang bayan.

Kasama ang kaniyang grupo, nagbibigay si Bryan ng relief goods at tumutulong din sa rehabilitasyon.

“Masaya kasi nakakatulong ka sa mga kapwa tao mo, lalo na ‘yung mga nasa malayong lugar,” sabi ni Bryan.

Isa ring mabuting kaibigan si Bryan na hindi nag-atubiling tulungan at pasayahin ang kanilang choreographer na si John Nathaniel Agapito, noong nakaranas ito ng depresyon.

At ang isa sa paraan ni Bryan para patawanin si John, ang pag-alis ng kaniyang pustiso.

“Si Bry kasi ‘yung tropa na walang iwanan. Nagpapasalamat ako kay Bry kasi sa lahat ng oras nandiyan siya eh,” sabi ni Agapito.

Taliwas sa kaniyang pustiso na maluwag, ang pakikisama ni Bryan sa mga kaibigan at sa kapuwa, sobrang dikit kung kumapit. --FRJ, GMA Integrated News