Maraming pangamba ang mga kalalakihan, gaya ng pagkabawas umano ng sex drive, kaya ayaw magpa-vasectomy. Pero may dalawang mister na inawat ang kanilang mga misis na planong magpa-ligate, at sila ang matapang na nagpa-vasectomy para sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing ang vasectomy ay isang uri ng birth control para sa mga lalaki kung saan pinuputol ang daluyan ng punlay o “vas deferens” para hindi na makadaan ang sperm, ayon kay Dr. Mary Joyce Mondina – Yabyabin, Family Planning Head ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.
Paglilinaw ni Yabyabin, hindi totoo na nababawasan ang sex drive ng isang lalaki kapag sumailalim sa vasectomy.
Sinabi rin ng duktora na may anesthesia na ibibigay sa isang lalaking magpapa-vasectomy para wala siyang maramdaman na sakit.
Nakagagawa pa rin ng sperm cells ang mga lalaking sumailalim na sa vasectomy, ngunit hindi na ito sumasama sa semen dahil putol na ang daluyan mula sa testicles kaya na-a-absorb na lamang ito ng katawan.
Wala rin umanong katotohanan na may koneksiyon ang vasectomy sa pagkakaroon ng prostate cancer ng lalaki.
Nilinaw din ni Yabyabin na walang family planning method na 100% na epektibo. Ngunit ang vasectomy, nasa 99.99% na epektibo na hindi na umano makabubuntis ang lalaki.
Posible lang na makabuntis ang lalaking nagpa-vasectomy kung muling kumabit ang pinutol na vas deferens.
Sa nangangamba na mahal o magastos, sinabing libre ang magpa-vasectomy kung may PhilHealth at maaari ring mag-apply sa mga Malasakit Center ang mga eligible.
Kailangan din na maghintay ng tatlong buwan ang nagpa-vasectomy para masuri ang kaniyang sperm count kung talagang hindi na siya makakabuntis.
Ang mister na si Max, piniling magpa-vasectomy kaysa magpa-ligate ang kaniyang misis na marami na umanong naisakripisyo para sa kanilang pamilya.
"Masyado nang maraming pinagdaanan yung misis ko... sa pregnancy pa lang, why not this time ako naman ang mag-sacrifice. Maliit na bagay lang naman 'yon," ayon kay Max na may apat nang anak.
Ganito rin ang dahilan ni Mckoy Jayona, na piniling magpa-vasectomy kaysa sa magpa-ligate ang kaniyang misis na planong isabay kapag nanganak na sa paraang cesarean operation.
"Noong una sinabi niya na puwede naman daw na siya na yung magpapa-ligate kasi 'di ba cesarean siya parang rekta, like after na manganak siya, parang puwede na siyang i-ligate. Pero sabi ko 'wag na, ako na lang... ako naman ang mag-e-effort para sa family natin," saad ni Mackoy na may dalawa nang anak.
Tumagal lang umano ng 10 hanggang 15 minuto lang ang proseso ng vasectomy. At kahit may naramdaman na kaunting sakit, nakalakad naman daw siya kaagad at nakapag-motor pa.
Hindi raw nagsisisi si Mackoy sa kaniyang desisyon dahil dalawa na ang kanilang anak at parehong iniluwal ng kaniyang misis sa cesarean operation. . --FRJ, GMA Integrated News