Sinasabing “fart” na ng buhay ng tao ang pag-utot. Ngunit normal pa rin bang maituturing kung umuutot ang isang tao ng lampas sa 10 beses kada araw o dapat na itong ikabahala? Alamin.


Sa nakaraang episode ng "Pinoy MD," ipinakilala ang 25-anyos na si Joshua Maguikay, na tanggap na certified “ututin” siya dahil umaabot ng 10 beses kada araw kung umutot siya.

“Bata pa lang ako, kabagin na rin talaga ako eh. Plus mahilig ako sa mga malalamig na pagkain. Ice cream, iced coffee , ‘yan ‘yung mga gusto ko, mga hilig ko. Tingin ko ‘yan din ang reason bakit din ako ututin,” sabi ni Maguikay.

Madalas namang samahan ni Maguikay ng mga mamantikang pagkain ang kaniyang kanin.

“Parang hindi nabubuo ‘yung araw ko kung walang kanin. Mas malakas akong kumain kapag ‘yung mga marinated food, liempo, adobo,” sabi ni Maguikay.

Kaya matapos mabusog, makararamdam na si Maguikay ng pag-utot at pag-alburoto ng sikmura. Sa isang araw, dumudumi siya ng dalawa hanggang tatlong beses.

Nakagagaan aniya sa pakiramdam ni Maguikay kapag siya ay umuutot.

“Relaxing sa feeling like ‘yung bigat ng tiyan ko nawawala,” anang binata.

Ayon sa programa, ang pag-utot ay normal sa isang tao dahil isa itong paraan para ilabas ang hangin sa katawan mula sa large intestine o colon.

Gayunman, may utot na mabaho dahil sa intestinal bacteria na gumagawa ng sulfur.

“Ang noxious odor or ‘yung mabaho na amoy ng utot ay dahil sa hydrogen sulfite. Depende sa kinakain natin. Kung mas marami ‘yung hydrogen sulfite na nagagawa, or depende rin sa composition ng bacteria roon sa bituka natin. Puwedeng maging mas mabaho ang utot or hindi,” paliwanag ng gastroenterologist na si Dr. John Alfredo Raphael Pangilinan.

Sinasabing normal lang ang pag-utot na umaabot ng 17 hanggang 23 beses kada araw. Ngunit kung lumalampas na ito sa naturang bilang, dapat nang magpatingin sa doktor.

“Most of the time ang implication ng dami ng utot natin is doon sa kinakain natin. Kung kumakain tayo ng high flatulogenic diet, ibig sabihin ‘yung nakaka-form ng maraming hangin or maraming utot, puwedeng tumaas ng up to two to three times more than the usual,” sabi ni Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, kung ang isang tao ay umuutot ng nasa 30 beses, may maliit na porsyento na maaaring mayroon siyang sakit.

Ang mga sakit na maaaring sanhi ng maraming beses na pag-utot ang lactose malabsorption or isang pambihirang sakit na celiac disease.

Bukod dito, ang pag-utot ay maaari din namang senyales ng pagiging malusog ng katawan. Kagaya sa mga nanay na bagong panganak, at mga sumailalim ng abdominal surgery. Senyales din ito na walang post-operative ileus ang pasyente o pagbagal ng galaw ng bituka.

Pero masama kaya kung pipigilin ang pag-utot, at ano ang mga pagkain na nakakautot at nakababawas ng pag-utot? Alamin ang mga kasagutan sa buong talakayan sa video.--FRJ, GMA Integrated News