Para mapansin, dapat umisip ng pakulo ang mga online seller sa kanilang live selling. Ang isang babae, sinasabayan ng paliligo ang kaniyang livestreaming para makapagbenta ng kaniyang produkto.
Sa programang “I Juander,” ipinakilala si Jiezelle Anne Gonzales, o mas kilala bilang si Mima Kurs, na inaabangan ng kaniyang followers sa kaniyang “Ligoserye” online.
“Lagi lang din po akong nasa bahay, puro scroll lang sa online. Na-discover ko noong marami akong nakikitang nagla-live selling na kumikita, tinry [try] ko rin po,” kuwento ni Gonzales.
Live selling lang noon ng mga produktong pampaganda ng buhok ang karaniwang ginagawa ni Gonzales. Pero hindi bumenta ang kaniyang diskarte dahil marami siyang kalaban. Hanggang sa makaisip siya ng kakaibang pakulo.
Ang haircare products na ibinibenta ni Gonzales, siya mismo ang gumagamit habang naliligo at naka-livestream.
Kaya ang matumal na benta noon, naging in demand, at pumalo na rin ng libo-libo ang kaniyang followers at viewers.
Sa halos isang oras na pagla-livestream, kumita na si Gonzales ng mahigit kumulang P500.
Isang affiliate sa social media app si Gonzales, na may ineendorsong produkto at may nakukuha lamang na komisyon sa kada maibebenta niya.
Sa kabila ng kakaibang paraan ni Gonzales ng paghahanap-buhay, hindi maiwasan na may mga netizen na pumupuna sa kaniyang ginagawa.
“Kahit maraming nagsasabi na walang wala na akong choice sa buhay kaya ganoon na lang ‘yung ginagawa ko, pero siyempre proud pa rin po ako kasi nai-spoil ko ‘yung family ko, nabibigay ko ‘yung needs," saad niya.
"Dating hindi nagmemeryenda kasi walang budget, ngayon kahit anong i-request nila nabibili ko,” sabi pa ni Gonzales.
Wala rin umanong malisya sa ginagawang ligoserye ni Gonzales sa kaniyang live selling dahil buhok lang naman niya ang kaniyang ipinapakita. --FRJ, GMA Integrated News