Hindi inakala ng isang ginang na ang negosyong lugaw ng kaniyang ina noon na buhay sa kanila noong bata pa, ang siya ring negosyo na makatutulong sa kaniyang pamilya ngayon nang makaranas sila ng hirap sa buhay.
Ang negosyong lugaw na bumuhay sa isang ginang noon, hindi niya akalaing ito rin ang mag-aahon sa sarili niyang pamilya na dumaan sa pagsubok, matapos pumatok ang kanilang lugawan sa Malabon.
Sa Pera Paraan, itinampok ang “Lugawan sa Niugan” ni Cecilia Villegas sa Malabon, na P17 lang ang bawat order ng lugaw.
Puwede rin itong samahan ng tokwa sa halagang P14.
“Siyempre [iniisip] din naman namin ‘yung kakayahan ng tao eh. Hindi naman lahat kayang bumili ng mahal,” sabi ni Villegas, 45-anyos.
Nagsimula ang negosyo ni Villegas noong 2019, at magmula noon ay marami na itong naitulong sa kanila.
Bago nito, marami nang sinubukang negosyo si Villegas at ang kaniyang asawa. Ang pinakahuli ay ang pagbebenta ng karne ng baka at baboy sa loob ng 10 taon sa noo'y public market pa lang. Ngunit nang gawin nang pribado ang palengke, hindi na nila kinaya ang mahal na bayad sa puwesto.
Sa pagsasara ng kanilang tindahan sa palengke, naapektuhan din ang pag-aaral sa kolehiyo ng dalawa nilang anak.
“Sinabi ko roon sa anak ko na ‘Walang income eh. Hinto muna.’ Sinasabi ko nga umiiyak ako eh, kasi siyempre lahat ng nanay gusto makatapos ang anak.’ Kaya noong sinabi ko sa kanila, kami ng mister ko, umiiyak kami,” emosyonal na balik-tanaw ni Villegas.
Dahil hirap na rin sila sa pagbabayad ng renta sa kanilang inuupahang bahay, nakitira na muna sila sa kaniyang biyenan.
Ngunit sa tulong ng kanilang pamilya, nakaraos din sina Villegas at nakatapos ng pag-aaral ang dalawa niyang anak.
Nakahanap din ng trabaho sa BPO ang kaniyang asawa, habang iba’t ibang raket ang pinasok ni Villegas.
Nagkaroon ng bagong oportunidad si Villegas nang alukin siya ng kaniyang bayaw na dating OFW na magnegosyo ng lugawan, na kaniya namang tinanggap dahil ito naman ang dating negosyo ng kanilang ina noong mga bata sila.
Kaya ang lugawang bumuhay kina Villegas noong bata pa, ito rin ang nag-ahon sa kaniyang pamilya ngayon.
Ang recipe na ginamit niya sa pagluluto ng lugaw, mula sa recipe ng kaniyang ina.
“Magmula noong maliit ako, lugaw. Tapos ngayong tumanda ako, hindi ko rin alam na lugaw din ang magiging business namin. Kaya malaki ang pasasalamat namin sa lugaw,” anang ginang.
Sa magandang bentahan ng lugaw, kayang kumita nina Villegas ng P30,000 kada buwan. At inaasahang lalago pa ito dahil katuwang na rin nila sa negosyo ang kaniyang anak na nagtapos ng kursong hotel and restaurant management. --FRJ, GMA Integrated News