Dinarayo ang isang manggagamot sa Basud, Camarines Norte dahil kaya umano niyang pagalingin ang anumang uri ng sakit sa pamamagitan ng paglulubog ng kaniyang mga "pasyente" sa steam bath na may iba’t ibang klase ng halaman at kaniyang dinasalan.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita ang tauhan ni Brother Ronnie Rumbawa na nagpapakulo ng tubig sa apat na lata ng drum, at saka nila inilagay ang sangkap na mga halamang gamot.
Matapos nito, isinalin nila ang tubig sa 26 plastic na drum na gagawing “steam bath” ng kanilang mga pasyente.
Maaga pa lang, pumipila na ang mga pasyente ni Bro. Ronnie, na ang iba ay galing pa sa ibang bayan at mayroon ding nanggaling sa abroad.
Hindi rin gumagamit ng mga lab test o aparato si Bro. Ronnie para masuri ang sakit ng mga pasyente. Sa halip, nalalaman niya ito sa pamamagitan ng pintig ng pulso.
Kasunod nito ay papupuntahin na ni Bro. Ronnie ang mga pasyente sa drum para lumoblob at kaniyang oorasyonan o dadasalan ng wikang Latin.
Kuwento ni Bro. Ronnie, edad 18 siya noong mag-sideline siya sa pagiging tour guide. Hanggang sa may makilala raw siyang ermitanyo na nagbigay sa kaniya ng libro at inutusan siyang manggamot.
Pitong klase ng dahon ang inilalagay ni Bro. Ronnie sa kaniyang steam bath: kalamansi, suha, sampalok, kamias, tagbak na pula at alagaw.
Bukod dito, may dalawa pa siyang sangkap na ginagamit na hindi umano puwedeng idinetalye dahil mawawalan daw ng bisa.
Ang halaga ng steam bath, P300 hanggang P600. Paliwanag ni Bro. Ronnie, napupunta ang pera para ipambayad sa mga taong tumutulong sa kaniya, at iba pang gastusin gaya ng mga pambili sa halaman.
Ang isang babaeng pasyente, nawala ang sakit sa tiyan at likod nang mag-steam bath.
Ang 74-anyos at paralisado na si Nanay Elisa Aguilar, bumuti raw ang pakiramdam sa loob ng tatlong session ng steam bath.
Si Crisneil Parol, dinala kay Bro. Ronnie ang dalawang-taong-gulang na anak sa pagbabakasakaling gumaling ang cerebral palsy nito.
Si Mayeth Lucero na nananakit ang gulugod at halos 'di na makalakad, unti-unti umanong bumuti ang kalagayan dahil sa panggagamot ni Bro. Ronnie.
Sa kabila ng mga kuwento ng mga pasyente na bumuti ang kanilang pakiramdam dahil sa herbal steam bath, may ibang paliwanag at paalala ang mga eksperto sa medisina tungkol sa sinasabing paggaling. Tunghayan sa ang buong kuwento sa video. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News