Maaari bang papalitan ng isang anak ang kaniyang apelyido gaya halimbawa na nagkahiwalay ang kaniyang mga magulang at ayaw na niyang gamitin ang apelyido ng kaniyang ama?
Sa segment na "Kapuso Sa Batas" ng programang "Unang Hirit," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na mahirap pero posibleng payagan ng korte ang pagpapalit ng apelyido ng anak kung mayroong "mabigat" na dahilan.
Aniya, sa kasalukuyang sistema, may kahirapan umano ang magpalit ng pangalan at apelyido na kailangang dumaan sa korte.
Sa kasalukuyang sistema, sinabi ni Atty. Gaby na kung legitimate o legal na kasal ang kaniyang ama't ina, ang apelyido o family name ng ama ang gagamitin ng anak.
Kung illegitimate ang anak o hindi kasal ang kaniyang mga magulang, at hindi kinikilala ng ama ang bata, ang family name o apelyido ng nanay ang gagamitin ng anak.
Gayunman, sinabi ni Atty. Gaby na puwedeng gamitin ng anak ang apelyido ng kaniyang ama kahit hindi kasal ang kaniyang mga magulang, basta kinilala siya ng ama bilang anak, at pumapayag ito na gamitin ang kaniyang apelyido.
Ipinaliwanag din ni Atty. Gaby na bagaman mahirap ang magpalit ng epelyido, posible naman itong payagan ng korte kung may mabigat na dahilan.
Isa na rito ay kung katawa-tawa ang kaniyang pangalan, kung nakakahiya, mahirap isulat, at mahirap bigkasin.
Posible rin payagan ng korte ang pagpapalit kung nagkaroon ng pagbabago sa status ng bata. Gaya halimbawa na kung apelyido ng ina ang gamit ng anak dahil hindi kasal noon ang kaniyang mga magulang, at kinalaunan ay nagpakasal ang mga magulang at puwede nang gamitin ng anak ang apelyido ng kaniyang ama.
Maaari din umanong payagan ng korte ang pagpapalit ng apelyido kung nagiging dahilan ito ng pagkalito. Ginawang halimbawa ni Atty. Gaby ang sitwasyon na apelyido ng ama ang nakalagay sa birth certificate ng bata, gayung puro apelyido ng ina ang nakalagay sa mga ginagamit nitong mga dokumento sa paaralan at iba pa.
Isa pang dahilan na maaaring palitan ang apelyido ng anak ay kung nakakahiya ito at nagdudulot ng kalbaryo sa kaniya.
Gayunman, sinabi ni Atty. Gaby na dapat magpakita ng sapat na katibayan at magandang paliwanag ang anak sa para makumbinsi niya ang korte para payagan ang kaniyang pagpapalit ng pangalan o apelyido. --FRJ, GMA Integrated News