Dahil sa pagkawasak ng isang tulay sa Dingle, Iloilo mag-iisang taon nang nagtitiis ang mga mag-aaral at mga residente sa mahabang pila na inaabot kung minsan ng mahigit isang oras kapag rush hour para makasakay sa balsa na gawa sa kawayan para makatawid sa kabilang bahagi ng ilog.

Nagtungo si Jessica Soho sa Iloilo para personal na makita at maranasan ang kalbaryo na araw-araw na pinagdadaanan ng mga apektadong residente.

Nasa 11 barangay umano ang apektado sa pagkasira ng tulay na unang napinsala ng bagyong Odette noong December 2021 at tuluyang naputol ang bahagi ng bagyong Agaton noong April 2022.

Sa ulat ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na hindi pa rin nagagawa ang tulay kaya nagtitiis na lang ang mga tao, kabilang ang mga estudyante na pumipila sa dalawang balsa na gawa sa kawayan.

Dahil sa dami ng tao, at hanggang anim lang ang puwedeng isakay sa balsa sa bawat tawid sa ilog, inaabot umano ng hanggang 200 metro ang haba ng pila.

Bagaman may ibang ruta na puwedeng daanan para makapunta sa kabilang bahagi ng ilog, mas mahaba ang lalakbayin, at mas magastos umano. Hindi gaya sa pagsakay sa balsa na donasyon lang na kahit P5 ay puwede na.

Ang Grade 7 student na si Nicole na sinabayan ni Jessica sa pila sa pagsakay sa balsa, sinabing nanghihinayang siya sa oras na nasasayang sa pagpila niya para makasakay sa balsa.

"Nanghihinayang po kasi pagdating ko po dun sa bahay gabi na po," saad niya sa KMJS. "Meron pa po akong tatawiring ilog bago makarating ng bahay."

Nakatira si Nicole sa Barangay Tula-tulaan, na nasa dulo ng Dingle. Kinailangan din niyang gumising ngayon ng mas maaga kapag papasok sa eskwelahan. Gayunman, madalas pa rin daw siyang nala-late sa klase.

"Kapag maaraw na po, 'yung marami na pong mga tao. Nasa dulo na rin po ako kaya matagal-tagal pa po akong makaalis dun at makasakay ng lantay. Kaya madalas po nale-late po ako sa school," pahayag niya.

Gaya ng ibang residente, umaasa si Nicole na magawa na sana ang tunay para maibsan ang kanilang paghihirap.

Ang ina ni Nicole, aminadong nangangamba sa kaligtasan ng kaniyang anak kapag sumasakay sa balsa.

"Natatakot ako tuwing dyan siya dumadaan kasi kung tataas ang tubig, hindi siya marunong lumangoy," anang ginang. "Pero wala akong magawa kasi kung iikot, gagastos sa pamasahe. Kasi syempre, mahirap ang sitwasyon tapos walang steady na trabaho. Mahirap talaga siya."

Gumagawa naman ng paraan ang paaralan upang mapagbigyan ang mga estudyante hirap sa pagbiyahe dahil sa sirang tulay.

"Usually 7:15 po is 'yung ating first period in the morning but inuurong po 'yun sa 7:30. At the same time, para sa hapon mabigyan po sila ng time na makauwi early. So inurong din po 'yung schedule from 4:30 to 4 o'clock sa juniors," paliwanag ng pamunuan ng paaralan.

Pero ano na nga ba ang kalagayan ng nasirang tulay at kailan kaya ito matatapos gawin?

Ayon sa opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lugar, target nilang matapos ang pagsasaayos sa tuloy sa kalagitnaan ng Abril.

Sinimulan daw ayusin ang tulay noong September 28, 2022.

Ang lagay pa rin ng panahon ang nagpapabagal umano sa paggawa ng tulay lalo na kapag mataas ang tubig sa ilog.

Pagtiyak nila, "May instruction na kami sa contractor na i-fast-track talaga 'yung construction." —FRJ, GMA Integrated News