Dahil biglang natigil ang komunikasyon sa lalaki matapos ang kanilang mala-isang linggong pag-ibig, hangad ng isang transgender woman na mahanap ang lalaki na kauna-unahan niyang minahal. Magkaroon kaya sila ng "closure" o madudugtungan ang kanilang pagmamahalan?

Sa Clarin, Misamis Occidental, nakilala ng team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang transgender woman na si Hannah. Kahit minsan, hindi pa raw siya nagkakaroon ng nobyo.

Pero isang Lunes noong nakaraang Enero sa kanilang kapistahan, nakilala niya ang lalaki na magpapatibok ng kaniyang puso sa unang pagkakataon--si "Eddie," hindi niya tunay na pangalan.

Napag-alaman na dating nabilanggo si Eddie at na-attract si Hannah sa mga tattoo nito. Matapos ang kanilang kuwentuhan, ayon kay Hannah, nagpahayag sa kaniya ng intensiyon si Eddie na manligaw.

Sadya ngang naging mabilis ang pangyayari sa dalawa. Dahil kinabukasan ng Martes, ipinakilala ni Eddie si Hannah sa mga kamag-anak nito  sa Clarin bilang "jowa" kahit hindi pa sila magkarelasyon.

At pagsapit ng Miyerkules, nagtungo naman si Eddie sa tahanan nina Hannah at nakipag-usap ito sa ama ng dalaga.

"Kinakabahan ako kung ano ang magiging response ng parents ko. Ipinakilala ko siya na friend ko," ani Hannah.

Dahil nakilala na ni Eddie ang kaniyang ama, si Hannah, sinagot na ang lalaki noong Huwebes.

Pero hindi pa dumarating ang Biyernes, ibinigay daw ni Eddie ang real account nito sa social media at doon nadiskubre niya na may kasamang babae ang nobyo sa picture.

Pagtatapat umano ni Eddie, nakilala niya ang babae sa kulungan at nagsama sila nang makalabas siya.

Pero nagkakalabuan na raw sila ng babae at hindi na niya ito mahal.

Pagsapit ng Biyernes, napawi ang mga alinlangan ni Hannah nang isama siya ni Eddie sa kanilang probinsiya sa Dipolog at ipinakilala siya sa biological parents ng lalaki.

Gayunman, nakita niya rin doon ang babae sa larawan-- si "Clara," di niya rin tunay na pangalan. 

Ayon kay Hannah, nag-usap sila ni Clara at pumayag daw itong ipagparaya si Eddie sa kaniya.

Ngunit may bagong natuklasan si Hannah tungkol kay Eddie nang makita niya itong kasama ang ilang kaibigan.

"May ginagawang illegal. I was thinking na baka 'yon yung [maging] dahilan again babalik siya sa kulungan. Ayoko pong mangyari 'yon. Nag usap kami na ihatid niya ako sa terminal, hindi niya ako hinatid. Parang na-hurt ako. Umiyak na ko from Dipolog to Clarin," kuwento ni Hannah.

At gaya nang kuwento sa awiting "Isang Linggong Pag-Ibig," kung anong bilis nang pagdating ni Eddie sa buhay at puso ni Hannah, ganoon din kabilis umalis ang lalaki.

Mula raw noon, naputol na ang komunikasyon ni Hannah kay Eddie. Hindi rin umano sumasagot ang lalaki sa tawag at messages niya.

Kaya naman si Hannah, gusto sanang makausap si Eddie para sa hinahangad niyang "closure" sa naranasan niyang unang pag-ibig. O baka may pag-asa pang madugtungan ang kanilang pagmamahalan.

Kamakailan lang, natunton ng "KMJS" sa Laguna si Eddie, at pumayag siyang makapanayam bagaman tumanggi siyang kausapin si Hannah.

Aminado si Eddie na may mga katangian si Hannah na hindi niya nakikita sa ibang babae. Inihayag din niya na tutol ang pamilya niya sa dating nobya na kaniya naman daw minahal.

Pero sa huli, hinikayat niya si Hannah sa ipinadala niyang mensahe rito na mag-move on na sila, at humingi ito ng paumanhin.

Sadyang may mga tao na pinagtagpo, pero hindi itinadhana, sabi nga sa isang awitin. Ngunit sino ang makapagsasabi kung ano ang puweng mangyayari sa hinaharap o ika nga, pagdating ng panahon.-- FRJ, GMA Integrated News