Tila isang superhero ang isang lalaking binansagang “Kuryente Man” sa Davao de Oro, dahil palaging may lumalabas na spark sa kaniyang katawan tuwing hahawakan niya ang pinto ng kanilang opisina. Saan kaya niya nakuha ang ganitong kapangyarihan, at ano naman ang paliwanag ng siyensiya?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Rosalino Ballesteros Recto na nag-umpisang magbago ang buhay isang ordinaryong araw na nakaupo lamang siya sa isang monobloc chair ng kaniyang opisina.
Nadiskubre ni Recto ang kakaiba niyang abilidad nito lamang nakaraang taon.
“Less than an hour lamang po. Napapansin ko kasi na tumatayo ‘yung balahibo ko,” aniya.
Pagkatayo at paghawak niya sa handle ng pinto na gawa sa metal, may tila inilabas ang kaniyang katawan na kuryente. Makikita sa apat na magkakaibang video na may kumislap sa dulo ng daliri ni Teacher Lino nang dumampi ito sa handle.
“Parang lighter, may sound. Nakukuryente talaga, masakit siya. Ano ba ang meron sa akin? Naa-amaze rin ako, bakit ako nagpo-produce ng electricity sa katawan ko?” sabi ni Teacher Lino.
“May superpower na raw na mag-generate ng kuryente. Biruan din namin ‘yung nagkaanak kami ni Volta na nag-aabsorb ng kuryente,” dagdag ni Recto.
Kahit na may kakayahan diumano na magpadaloy ng kuryente sa kaniyang katawan, may limitasyon din ang kapangyarihan ni Teacher Lino, dahil hindi niya ito nasubukan sa ibang pinto, at hindi niya rin naranasang mag-spark sa bahay.
Isiniwalat ni Teacher Lino na hinihinala niyang nakuha niya ang “kapangyarihang” maglabas ng kuryente sa monobloc chair.
“Dati kasi ‘yung monobloc na upuan is walang arm rest. Pero noong nagpalit na ako ng upuan, doon ko na naramdaman na tumatayo ang balahibo ko,” paliwanag ng guro.
Dahil dito, lumapit na si Recto sa electrical engineer na si Joe Rubrico, PhD.
Paliwanag ni Rubico, ang nararanasan ni Teacher Lino ay ang triboelectric effect o charging kung saan lumilipat ang charge kapag nagkakaroon ng friction.
“In the case of plastic usually nagiging negatively charged siya kung kukuha siya ng electrons and ikaw saka ‘yung damit mo, nagiging positively charged,” paliwanag ni Rubrico kay Teacher Lino.
“When nakaupo ka, ‘yung charge ng upuan saka ikaw, balanced ‘yon. Pero noong tumayo ka na, ‘yung ibang electrons mo na nakapalibot sa atoms, usually napunta roon sa plastic chair. Metals are good conductors of electricity. Dahil positive ka tapos ito (metal door) neutral pero maraming electrons, ‘yung voltage na nade-develop between you and ‘yung metal door, kapag malapit ka nang ganito, it’s enough para mag-jump ‘yung electrons from the door to you. Kaya nagkakaroon ng parang maliit na kidlat o spark,” paliwanag ni Rubico.
“Normal ito, nangyayari ito madalas,” anang electrical engineer.
“Usual solution is if the air is dry, huwag gumamit ng dry air setting ng aircon. Ang gawin is either may humidifier para dumami ‘yung water vapor. Kung maalinsangan ‘yung sa labas tapos dry ‘yung air sa loob, i-open mo lang ‘yung window para pumasok ang water molecules,” sabi ni Rubrico.
Ipinakita naman ni Teacher Lino ang kaniyang pagiging “superhero” sa totoong buhay, dahil kinupkop at pinatira niya sa sarili niyang tahanan nang libre ang ilan sa kaniyang mga mahihirap na estudyante.
Kung bibigyan ng superpower, hiling ni Teacher Lino na makapiling muli ang yumao niyang ama.
“Hiling ko rin sana na kung may superpower ako, kung pwede maibalik pa ‘yung time na buhay pa si Papa. Kasi na-assess ko sa sarili ko kulang ako sa time sa parents ko kasi matatanda na sila. Ayaw niya talagang makalimutan siya kasi every wedding anniversary namin, death anniversary ng papa ko,” emosyonal na pagbabahagi ni Teacher Lino.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News