Kambal ang pitong-taong-gulang na sina Amaarah at Ameerah ng San Pedro, Laguna, pero bakit nga ba nawalan ng paningin ang isa sa kanila? Tunghayan ang nakaaantig nilang kuwento.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang bibo at masayahin na si Amaarah na inaalalayan at pinapakain ang mas tahimik na kakambal na si Ameerah.
Bukod sa hindi nakakakita, hindi rin palasalita si Ameerah. Kaya naman hirap din ang kanilang magulang na sina Jayson at Rich Ann Soberano, na unawain ang nararamdaman ng kanilang anak.
Kapag magkasama, laging nakaalalay si Amaarah kay Ameerah upang hindi ito masaktan kapag naglilikot. Pero kung minsan, kapag pinipigilan ni Amaarah ang kakambal, siya na ang nasasaktan ng kapatid.
May mga pagkakataon din kasing iritable si Ameerah. Habang nadudurog naman ang puso ni Nanay Rich Ann kapag napapansin ang anak na tahimik at bigla na lang umiiyak.
Sa ganoong pagkakataon, ipadarama ni Amaarah sa kakambal na hindi nag-iisa si Ameerah at handa siyang umunawa at pasiyahin ang kapatid.
Lagi raw sinasabi ni Jayson kay Amaarah na walang ibang maaasahan ang kaniyang kakambal kung hindi siya lamang.
"Mahal na mahal ko po ang kapatid ko," sabi ni Amaarah, na ibina-vlog ang mga ginagawa nila ni Ameerah upang sa ganoon ay makatulong sa kanilang ama na kumita para maipagamot ang kakambal.
Kuwento ni Nanay Rich Ann, naging maselan ang pagbubuntis niya sa kambal. Nang apat na buwan na siyang buntis, nagkaroon roon siya ng matinding pagdurugo at inakala niyang mawawala ang mga anak.
At nang isilang niya ang kambal, kulang sila sa buwan o premature. Halos dalawang buwan pa umanong nanatili ang kambal sa incubator.
Ilang araw pa lang ang kambal nang mapansin na may kakaiba kay Ameerah. At nang masuri sa duktor, doon na nakita ang problema sa paningin niya.
Habang lumalaki, nakapagsasalita pa umano si Ameerah, pero nang maging apat na taong-gulang na ang kambal, naging mahirap na siyang makipag-komunikasyon.
Sinamahan ng "KMJS" team si Ameerah na ipasuri sa mga espesyalista. Dito napag-alaman na hindi na maibabalik ang paningin ni Ameerah.
Lumilitaw din na delay ang development ng pag-iisip ni Ameerah na maaaring dulot umano ng pagiging premature nila. Kakailanganin umano ni Ameerah ang therapy upang unti-unting maintindihan ng bata ang mundo na kaniyang ginagalawan.
Sa kabila ng lahat, patuloy na aalalay si Amaarah sa kaniyang kakambal, at hindi pa rin nawawalan ng pananampalataya si Tatay Jayson na gagaling ang kaniyang anak. Tunghayan sa video ng "KMJS" ang kanilang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News