Nagmistulang “kambal-dikit” na ng isang 23-anyos na dalaga sa Pampanga ang oxygen tank na lagi niyang kasama--mula pagkagising hanggang sa pagtulog--para siya makahinga. Ano nga ba ang kaniyang sakit at hindi siya makahinga nang maayos?
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Katrina Son, sinabing laging naghahabol ng hininga si Marilane Quiambao. Kaya lagi niyang kasama ang oxygen tank mula paggising hanggang sa pagtulog, at maging sa pagpunta niya sa banyo.
Nagsimula ang kondisyon ni Quiambao nang maging mabilis ang pagkahapo niya na inakalang dulot lang ng pagod sa paglalaro.
Pero nagtuloy-tuloy ang paghingal ni Marilane na nagkaroon na rin ng pag-ubo. At nang sumailalim siya sa open-lungs biopsy, napag-alamang mayroon siyang pambihirang sakit na interstitial lung disease.
Ang naturang sakit ay isang chronic lung disorder na nagkakasugat ang baga kaya nahihirapan itong magbigay ng oxygen sa katawan.
Ayon sa internist na si Dr. Michael Edward Real, na-diagnose na may interstitial lung disease si Marilane noong 2012.
“Ang interstitial lung disease ay grupo ng mga sakit kung saan may pagpepeklat o fibrosis na nagdudulot ng kahirapan sa paghinga at pagpasok ng oxygen sa buong katawan,” sabi ni Dr. Real.
Peligroso ang naturang sakit ni Marilane. Kapag inaalis ang kaniyang oxygen tank, agad na bababa ang oxygen level sa kaniyang katawan.
Hindi biro ang gastusin ni Marilane para matustusan ang pangangailangan niya sa oxygen. Sa isang buwan, umaabot ang gastos ng pamilya sa P15,000 para hindi mawalan ng oxygen ang dalaga.
Ang isang tangke ng oxygen kasi, tumatagal lang ng isang araw. Kaya nagpapasalamat ang pamilya sa mga mabubuting loob na walang sawang tumutulong sa dalaga.
Idiopathic, o hindi pa tukoy ang sanhi na ILD, at wala rin itong gamot. Lung transplant lamang ang nakikitang solusyon sa naturang karamdaman.
“Sa ibang cases, minsan ito ay exposure dahil sa chemicals, sa mga usok o mga asbestos na tinatawag o mga alikabok na bakal. Minsan naman kung may history ng paggamit ng antibiotics noong kabataan,” sabi ni Dr. Real.
Pangarap ni Marilane na maging isang flight attendant. Hangad din niyang mapuntahan ang iba't ibang lugar sa bansa.
“Gustong-gusto ko rin pong maranasan ‘yung maka-graduate sa school,” dagdag ni Marilane, na ikinuwentong hindi siya nakatuntong sa stage dahil nasa ospital siya noon.
Sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan kay Marilane sa kaniyang numero:
Marilane Quiambao (0931) 844 2476. -- FRJ, GMA Integrated News