Malaking tulong para sa persons with disabilities (PWDs) ang mga diskuwento na naibibigay sa kanila. Pero paglilinaw ng National Council on Disability Affairs (NCDA), hindi para sa lahat ng produkto at serbisyo ang diskuwento para sa mga may kapansanan.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inihayag ni Jasper Salceda, dating cancer patient, malaking tulong sa kaniya ang 20% discount sa gamot, ospital, diagnostics, at laboratory fees, batay sa standard benefits and privileges sa PWDs.
Bukod sa serbisyong medical, mayroong din diskuwento ang mga PWD sa hotel, restaurant, entertainment center, at domestic and sea travel.
Exempted din sila sa 12% value-added tax (VAT) at may 5% discount din sa prime at basic commodities.
Pero kamakain, nag-viral ang post ni Salceda tungkol sa magkaibang diskuwento na nakuha niya sa pagbili ng cake sa magkaibang establisimyento.
“Pumunta po ako sa dalawang cake shop, on the first cake shop, binigyan po nila ako ng P500 discount tapos sa ikalawang cake shop, ang binigay lang po sa akin in P17 so naguluhan po ako,” saad niya.
Sa cake shop na nagbigay ng mababang discount, ipinaliwanag umano na hinati nila sa 10 hanggang 12 ang presyo ng cake. Ang diskuwento, ibinase sa isang bahagi lang ng cake.
Dahil sa naturang post, may mga napatanong kung ano ba talaga ang sakop ng diskuwento para sa mga PWDs.
Batay sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture's joint Administrative Order, na nakatala ang mga prime at basic commodities na may 5% discount ang PWDs gaya ng rice, corn, bread, fresh, dried, at canned fish, at iba pang marine see products, fresh pork, beef, at poultry meat, fresh eggs, fresh at processed milk infant formulas, fresh vegetables, root crops, coffee, sugar, cooking oil, salt, laundry soap, detergents, firewood, candles, at iba pang commodities ang kasama sa listahan ng DTI at DA.
Ayon din sa NCDA, hindi kasama sa nilalagyan ng diskuwento ang mga cake at pastries, pati na ang imported noodles, quail eggs, sweeteners, at food supplements.
"Yung 5% is out of the goodness of the establishments. Yung 20% deductible from the tax by the establishment so governemnt yung nagsu-shoulder nito," paliwanag ni Mateo Lee, Deputy Executive Director of NCDA.
Bukod dito, tanging P1,300 worth of basic commodities per week ang bibigyan ng 5% discount, at mga pinamili ay dapat isulat sa PWD purchase booklet para sa monitoring.
Ang mga maliliit na negosyo tulad ng cooperatives, sari-sari stores, food stalls, food courts, at food vendors ay hindi obligadong magbigay ng 5% discount.
"Ang idea talaga ng mga discounts na ito is to make the poor people access basic necessities and prime commodities," sabi ni Le. --FRJ, GMA Integrated News