Small but terrible na maituturing ang isang uri ng maliliit na bulate na ginagamit raw ngayon sa Japan upang maagang ma-detect ang pancreatic cancer. Ang naturang bulate, sakalam daw na pang-amoy, na mas matindi pa sa aso.
Sa video ng GMA “Next Now,” sinabi ng biotech firm na Hirotsu Bio Science, na ang Caenorhabditis elegans o C. elegans ay mga nematodes o roundworms na may pang-amoy na mas malakas pa raw sa aso at kaya nitong maamoy kahit ang cancer cells.
Kailangan ng urine sample upang magamit sa isasagawang pagsusuri.
Binago ang genetic code ng nematodes para makalangoy sila palayo sa cancer cells na nilalaman ng sample.
Sa pamamagitan nito, nalalaman ng mga doktor kung positibo o high-risk ang pasyente sa pancreatic cancer.
Ang uri ng cancer na ito ang isa raw sa pinakamahirap ma-diagnose at hindi kaagad nakikita ng mga doktor.
“Pancreatic cancer pretty much cannot be detected at an early age and there are no tests to detect very early stage pancreatic cancer anywhere in the world,” saad ng CEO ng Hirotsu Bio Science na si Takaaki Hirotsu.
“But as of last year, we had already confirmed that [the nematode worms] react to an early stage of pancreatic cancer,” dagdag pa niya.
Nasa 250,000 tao na ang nakapagsuri gamit ang C. elegans at nasa 5-6% raw ang may high-risk reading.
Plano rin ng kumpanya na maglabas ng test para sa early detection ng liver at breast cancer.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News