Dahil sa sustansya at maraming benepisyong nakukuha ang baby mula sa breast milk, ibinebenta na rin ito online ng ilang mommies, para na rin makatulong sa mga hirap magpasuso. Ngunit ano ang mga dapat alamin ng isang ina bago siya bumili ng breast milk online?
Sa "Pinoy MD," ipinaliwanag ng obstetrician-gynecologist na si Dr. Maria Carla Esquivias-Chua na maraming immune factors na makukuha ang sanggol mula sa breast milk laban sa mga sakit.
Pinakamalakas ang colostrum, na mataas ang protein content at nakukuha sa unang labas na breast milk ng isang ina.
Pero ang ilang ina, sobra ang supply ng kanilang breast milk kaya naman ibinibenta nila ito online para hindi masayang.
"Alamin mo kung ang mother na nag-donate o nagbenta ng milk is healthy siya," payo ni Dr. Esquivias-Chua.
Dagdag ni Dr. Esquivias-Chua na kahit madali ang bentahan ng gatas online, maigi pa rin kung sa mga accredited milk banks sa ospital bibili ng gatas.
"Kung marami talaga siyang supply, nako huwag niyang itapon ito, may centers na may milk bank, itatabi roon, puwede mong ibigay doon, i-donate mo," sabi ni Esquivias-Chua. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News